Talino o Talento? Talento o Talino?


Intelligence or Talent?

`Yan ang mabentang tanong sa klase namin ngayon. Talino o Talento? Talento o Talino? May mga nagsasabing talento raw, pero mas marami namang nagsasabing talino. Kung ikaw tatanungin, ano pipiliin mo?

Si Leonardo da Vinci, isang magaling at kilalang pintor ng Mona Lisa at Last Supper. Talento nya ang pagpipinta. Sa dalawang painting nya na nabanggit, mayroong mga tagong mensaheng pilit inuunawa ang mga historians noon pa man. Anong ginamit nya? Talino.


Talino o talento? Talento o talino?

Ayon sa dictionary sa aking cellphone, intelligence is the ability to think, reason and to understand instead of doing things automatically or by instinct. Samantala, ang talent naman is the natural ability to do something well. Walang taong walang talino at wala ring taong walang talent. Paghahasa lang ang kailangan.

Dahil sa tanong na `yan lumitaw ang isa pang tanong sa isipan ko: mahalaga ba ang rason o ang aksyon?


Talino o talento? Talento o talino?

Anuman ang piliin mo d'yan; magbigay ka man ng napaka-nangungumbinsing mga rason kung hindi mo naman isinasabuhay ang rason mong iyan, kamusta naman?

Sabi ng isa, talino raw kesyo ganito, ganyan. Talento naman daw sa isa kasi daw bla, bla, bla… Eh, nagbabasa ka ba man lang para madagdagan ang talinong mayroon ka?

Hinahasa mo ba ang talentong kaloob sa `yo ng Lumikha? Kung hindi naman, eh tumahimik ka na lang dahil ang inirarason mo para suportahan ang alinman sa dalawang kaisipang `yan ay puro kasinungalingan.

Kung ipaglalaban mo ang isang bagay, dapat panindigan mo. Hindi kailangan ang maraming rason na puro naman yabang. Ipakita mong ito ang prinsipyo mo. Daanin mo
sa gawa.


Talino o talento? Talento o talino?

Natural ang dalawang `yan sa tao, pero wala pa ring perpekto.

Walang tao na matalino sa lahat ng bagay. Lahat mayroong hindi nalalaman. Sa kabilang dako, wala ring taong talentado masyado -- magaling sumayaw, magaling kumanta, magaling magpinta, magaling tumugtog ng lahat ng musical instruments… Kung meron mang taong ganoon, malamang patay na sya dahil sa boredom.

Masayang hindi mo malaman at matutunan lahat para balanse.


Talino o talento? Talento o talino?

Utak ang nagpapakilos sa tao. May mga nagsasabing puso, pero kasi utak ang magpoproseso ng desisyon kung gusto mo pang mabuhay at kumilos, `di ba? Nasa utak din ang kakayahan nating mag-isip, mangatwiran at umunawa at maging ang kakayahan natin maging mahusay sa ilang bagay.

Dalawang kakayahan, nasa iisang maliit na karne sa loob ng katawan natin. Dalawang kakayahan na bumubuo sa isang tao.


Talino o talento? Talento o talino?

Talento ko ang pagsusulat. Talino ang ginagamit ko para mayroon akong isulat. Talento ang ginagamit ko para maipahayag ang nasa isip ko, talino ang ginagamit ko para may ideyang mabuo sa isip ko.

Kung wala ang isa, paano ako?