Kawalan
Magda-dalawang linggo na akong walang trabaho dahil sa pagbabawas ng empleyado ng dating kompanyang pinagta-trabahuhan ko. Nung unang linggo, chill-chill lang. Matapos ang isang buwang work-from-home (sustentado kami ng employer noong unang tatlong buwan ng quarantine, pero matapos no'n ay "no work, no pay" na kami. Eh, kabibili ko lang ng bagong laptop nang huling linggo ng Hulyo...) parang hiniling ng katawan kong magpahinga. Napagod sa hindi nakasanayang sistema. Kaya't pahinga it is.
Pero kasabay din naman nang pahingang iyon ang panaka-nakang pag-bisita sa email para makita kung sumagot na ba ang mga kompanyang in-apply-an. Wala. Kaya't nag-apply na lang uli ako sa iba. Kahit entry level, pinatulan ko na.
Pero walang sumasagot, eh. 'Yung publishing company na pinag-exam na ako nang dalawang beses, hindi na ako binalikan. Humingi ako ng update, pero hindi sumagot. Nanghinayang ako. Pangarap ko pa man din magtrabaho sa publishing industry. Na-imagine ko nang pagkatapos ng pandemya ay lilipat sa QC at doon magsisimulang muli. Wala, hanggang imagination lang pala.
Ngayon, hindi ko na alam. Nawawala ako. Ang dami ko nang pinasahan ng resume. May isang humiling ng interview sa ika-16 ng Setyembre. Syempre, go ako. Pero may agam-agam sa likod ng isip ko: kaya ko ba?
Ilang araw nang parang okay lang sa akin ang nangyayari, pero ngayon, tila ako isang bombang pwedeng sumabog anumang oras. Alam kong may mali, pero parang ayaw akong tulungan ng sarili ko. Maghapon akong nakaharap sa cellphone, palipat-lipat sa Facebook, Twitter, YouTube, online streaming services, minsan sa Wattpad (na sinasara ko rin agad) o kaya games. Tapos bibisita sa Jobstreet, Kalibrr, Indeed, Bossjob, magbabasakali ulit. Hayyy...
Napapagod na ako. Gustuhin ko mang magbalik sa pagsusulat ng kwento, hindi ko magawa. Para akong nalunod na. Hindi makaahon sa pagkakasadlak sa kawalan. Mailap ang mga salitang noo'y nag-uunahan. May mga ideya, kaso hindi ko magawang mailabas.
Tapos puro pa writing jobs ang hinahanap ko kung kelan hirap akong humagilap ng salita. Nakakatawa nga't kahit mga simpleng bokabularyong Ingles ay kailangan ko pang i-Google. Pagsusulat na nga lang ang pinangangapitan ko, pumapalya pa. Isa na yata akong sirang makina.
Minamalas kaya ako?
Isang malaking dahilan siguro nang pagpalya ko ay ang unti-unting pagkawala ng gana ko sa pagbabasa. Ang dami kong libro na binili ko noong nakaraang taon, pero hindi ko pa rin binabasa sa ngayon. May mga ebook pa ako. Pinilit kong magbasa muli nung mga nagpatibok ng puso ko noon, pero wala talaga akong gana. Hindi ko na nahanap 'yung sarili ko. Parang tuluyan na akong nawala.
Sa ngayon, naghihintay na lang ako nang susunod na mga mangyayari dahil hindi ko na rin alam ang dapat kong gawin. Nauupos na ako. Alam kong kaunti na lang, sasabog na naman ako.