Una't Huling Liham
J,
Ikakasal ka na pala. Nakita ko, pinost ng jowa mo. Oo, friend kami sa Facebook simula pa last year, noong kasagsagan ng unang season ng ECQ...noong muli kang nagparamdam sa akin after ilang years.
Alam mo bang hindi ko inaasahan 'yon? 'Yung bigla mong pag-"Add Friend" sa akin sa Facebook at pag-message sa Messenger? Nasa akin pa 'yung mga message mo na 'yon, nasa SPAM folder.
"Balita?"
'Yan bungad mo sa akin. Hindi ko pa alam isasagot ko. Ano bang balita gusto mong malaman? Bilang ng nag-positive sa COVID-19? Aksyon ng gobyerno sa gitna ng pandemya? Sakto, nag-vo-volunteer ako that time bilang COVID-19 news monitor ng isang NGO. Marami akong balitang mai-shi-share sana sa'yo, pero hayun, ang sagot ko lang, "eto, stuck sa bahay."
Hindi ko alam paano nauwi 'yun sa tanong mo kung may asawa o jowa na ako. Kamag-anak ba kita? Bakit kailangan mo malaman kung may asawa o jowa na ako? LOL.
Tsaka bakit ka sa akin nagpapabili ng sapatos? Matapos mong bigla na lang hindi nagparamdam, naglahong parang bula, walang babala, walang pasabi? Hindi naman ba kakapalan ng mukha 'yon? Joke lang, pero jokes are half meant, 'di ba nga?
Kaya nga hindi ko alam kung seseryosohin kita noon. Puro ka kasi biro, puro ka kalokohan. Hindi ko matantya kung sincere ka ba o nang-aasar lang. Alam kong high school pa lang tayo noon, pero noon pa man, duda na ako sa half-meant words mo.
Natatandaan mo noong isang umaga, habang wala ang teacher natin sa Science, kinukulit mo ako. Panay tanong mo ng "may chance ba ako sa'yo?" Sabi mo pa, hihintayin mo ang sagot ko hanggang hapon ng araw ding iyon. Tapos, pagdating ng hapon, absent kayo ng mga kaibigan mo. Hindi ko na tuloy nalaman kung anong "chance" ba hinihingi mo.
Tapos, natatandaan mo ba, habang "nanliligaw" ka sa akin, eh may pinopormahan ka pang iba? Kaya hindi mo rin ako masisisi noong bigla kang sumulpot sa likuran ko at bumulong sa akin ng "I love you" tapos ang isinagot ko ay "ibigay mo 'yan kay (name ni ateng 4th year na pinopormahan mo)." At 'yon ay kahit pa nga sa pagtalikod mo ay hindi maalis ang aking paningin sa iyong bagsak na mga balikat hanggang ika'y maglaho sa gitna ng mga taong paroo't parito.
Hindi ko malilimutan 'yon kasi sa unang pagkakataon, inaamin kong then and there, I fell for your half-meant words.
Oo, alam kong hindi lang puppy love o teenage infatuation ang nararamdaman ko para sa'yo that time. First love kita, J. First love.
Iyon siguro ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi kita makalimutan, na hanggang ngayon, kahit higit isang dekada na ang nakalipas, kinikilig pa rin ako sa mga ala-ala natin, na nanghihinayang pa rin ako kung bakit hindi ko binigyang laya ang sarili kong magmahal nang lubos, na sumugal at maniwala ng buong puso sa mga salita mong, "seryoso ako."
Kung naging isang mabuting girlfriend ba ako sa'yo, hindi ka ba maglalaho na lang basta? Tayo pa rin kaya? Totoo pa rin kaya 'yung birong pangako mo na balang-araw ay dadalhin mo ako sa Rome, Italy?
Naaalala mo ba 'yon? Habang nagdi-discus si Ma'am sa Araling Panlipunan tungkol sa Coliseum, sabi mo dadalhin mo ako roon someday. Hindi ko makakalimutan 'yon. Nasa bucket list ko pa rin ang Rome, Italy. Hindi na nga lang ikaw ang kasama ko kung pupunta ako roon katulad ng hindi na ikaw ang maghihintay sa akin sa dambana sakaling ako'y magpapakasal.
'Di ba, plano mo rin 'yon noon: pakakasalan mo ako 'pag ka-graduate ko ng college. Tapos, second year pa lang ako, nung bigla mo akong ghinost. Nakakatawa, 'di ba? It was like, may-chance-ba-ako-sa'yo version two.
And it has a third version!
'Di ba, last year, noong bigla mong pagsulpot na parang COVID at ang tanong mo, "payag ka bang magpakasal sa'kin?" Tapos August 5, 2021, malalaman kong nag-propose ka na sa girlfriend mo of five years.
Isang malaking JOKE lang ba talaga ako sa'yo?
Alam mo, I have always wanted to meet you again ever since you just vanished in thin air; not to light up the old flame, but to extinguished it completely. I want closure. Iyon 'yung hinihiling ko noon pa man: na sana magkita muli tayo at magkaroon ako ng lakas ng loob na humingi ng pagpapalaya mula sa mga ala-ala mo. Alam kong handa akong hingin 'yon. Alam kong kaya kong kumbinsihin ang sarili ko na 'yung kilig na nararamdaman ko pa rin hanggang ngayon sa tuwing naaalala ang anumang meron tayo noon ay kilig na lamang para roon: sa ala-ala, at hindi na para sa iyo. At alam kong nakumbinsi ko naman ang sarili ko.
Maliit ang mundo natin, kaya nga hindi naman maiiwasan ang mga chance encounters sa mall, sa kalsada, sa motorbike shop...At sa bawat tagpong iyon, bawat palitan ng ngiti at tango, alam ko na noon sa sarili ko na ganoon ka na lang para sa akin: isang kakilala, kasi nga hindi na kita mahal, eh. Pero 'yung bigla kang nagparamdam habang puno ng ligalig ang mundo, alam mo bang kahit papano, sa kabila ng agam-agam, pagdadalawang isip at pag-iingat na hindi maging tanga, umasa ako. Umasa ako na hindi ka na nagbibiro nang tinanong kita kung may jowa ka na at ang sagot mo nama'y, "ikaw".
Kaya't masisisi mo ba ako kung lasang ampalaya ang mga salitang binibitiwan ko ngayon? Masisisi mo ba ako kung hindi ko magawang i-congratulate kayo sa nalalapit niyong pag-iisang dibdib ng girlfriend mo?
Ay, s'ya nga pala, huwag mo na ulit gagawin iyon sa girlfriend mo: 'yung magcheat, either frustrated or consummated. (Kung krimen lang talaga ang pagtataksil kahit pa sa magjowa pa lang. Haayyy...) Mabuti siyang tao at kung ganoon ka rin, ang kahit isipin iyon ay hindi mo gagawin. Hindi lang isa ang masasaktan, eh. Masasaktan siya, masasaktan ako. Oo, masasaktan ako kasi kahit wala naman akong karapatan, UMASA ako. May pakiramdam din naman akong tao kahit pa nga--at buti na lang--hindi ako tuluyang nadala sa mga biro mo.
Ganunpaman, sa kabila ng lahat ng ito, hinihiling ko pa rin na kung magkikita man tayo, sana 'yung kapag wala na itong pait na nalalasahan ko para kahit hindi mo ibigay 'yung closure na gusto kong makuha, magiging bukal sa loob ko ang batiin kayo ng future family mo nang may ngiti. Ayoko na malaman kung biro nga lang ba lahat ng sinabi mo sa akin noon o hindi. Kasi sa totoo lang, sobrang thankful ako na pinaramdam mo sa akin ang mga iyon, na binigyan mo ako ng mga ganoong ala-ala na pwede kong gawing inspirasyon.
Ah, oo nga pala. Sinusubukan kong gumawa ng kwento tungkol sa mga ala-alang iyon. Maganda kayang pang-Wattpad. Tulad noong una tayong magkakilala. Oo, natatandaan ko pa 'yon kahit pa 2009 pa iyon. Third year high school tayo. Transferee ka at ako itong consistent honor student na busy sa acads at extra-curricular, pero nadala sa mga pambobola mo. O, 'di ba, Wattpad?
Hindi naman kita crush noon, eh. Naaalala ko nga, prorated tayong 3-A noong unang dalawa o tatlong linggo ng klase kasi kulang sa classroom, hindi pa tapos 'yung building na paglilipatan ng mga fourth year kaya't klase natin ang idinistribute sa lower sections. Tapos, kwento ng mga kaklase natin, may bagong lipat nga, ikaw pala. "Gwapo." Kako, "walang akong pake" dahil wala naman talaga. (Ano kaya kung hindi ako nagkaroon ng pake?)
Then hindi ko alam paano nagsimulang pinansin mo ako nang mabuo na ang klase natin. Was my drawing of chibi Kakashi started it? Was it what caught your attention? Nahihilig kasi ako noon sa pagdo-drawing ng chibi Naruto characters. Tapos fan ka pala ng Naruto. Pinakita mo pa sa akin 'yung drawing mong si Sasuke. O, 'di ba, natatandaan ko pa?
Pero hindi ko alam paanong mula roon ay napunta tayo sa pang-aasar mo sa akin. I remember one lunch break. Nagre-review ako for our quiz in Araling Panlipunan nang tawagin ako ng isa sa mga best friend kong kaapelido mo. Nasa pintuan siya at sabi, "I love you raw." Thinking that she was just playing with me, pumatol naman ako, "I love you too." It was too late when I realized nasa labas ka lang ng pinto, kausap siya. Ganoong ganoon ka. Tapos malalaman ko na may pustahan pala kayo ng mga kaibigan mo na paramihan ng girlfriend.
At ginaya mo pa si Kim Bum sa Boys Over Flower. Gagawin mo pa sa akin 'yung "five-second kill" niya. Sana by now, after all what you said and did to me, you have realized that you can't get me in just five seconds. At akin ding ipinapaalam na hanggang ngayon ay mahal ko pa rin si Kim Bum, pero ikaw, pipilitin ko nang isilid sa memory box ko.
Marami naman tayong pinagsamahan. Ewan ko ba kung bakit parang hindi mo na matandaan ang mga iyon. Marahil kasi meron nang ibang lumikha ng mga panibagong ala-ala kasama mo at tumabon sa mga ala-alang naroon ako. Pero kung maala-ala mo man, sana mapagkwentuhan nating dalawa habang tumatawa balang-araw. Alam mo 'yon, happy memories. Kasi 'yon naman ang mga 'yon para sa akin. Happy memories.
Tulad noong minsang may quiz tayo sa Science kaso nakatoka ang grupo namin para magluto ng pananghalian sa canteen bilang parte ng TLE subject natin. Nang lumabas si Ma'am at akala nami'y tapos na ang quiz, umiskapo rin kami para maghanda sa canteen kasi isang oras na lang magla-lunch break na. Iyon pala, may pahabol pang question si Ma'am pagbalik ng classroom. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko noong pagbalik namin ng classroom. Okay lang naman sa akin sana may ma-miss na item sa quiz, pero trip mo talaga yatang inilalagay ako sa spotlight. Bakit mo naman kasi sinagutan 'yung papel ko, eh alam mo namang sobrang magkalayo ang mga sulat-kamay natin?
Pero alam mo bang isa 'yon sa mga ala-ala nating paborito ko? Hindi ko maipaliwanag kung bakit, pero basta...
Tapos 'yung JS Prom natin noong third year, noong hindi mo ako maaya nang maayos sumayaw. Gusto ko malaman: BAKIT? Joke. Pero nagkaroon ka naman ng lakas ng loob na isayaw ako noong fourth year...para pakiusapan akong bumalik, na maging tayo muli.
I wanted to confess something about what happened that night.
During that time, I was ready to get over you. Kasi imagine, simula noong maging tayo nang summer 2010, you never made any effort to sustain our relationship. I never understand why you wooed me in the first place kung...wala lang pala. Then I realized, 'yun ka: full of half-meant words, but empty of actions. Kaya't sa tingin ko'y hindi mo rin ako masisisi kung bakit ako umalis sa relasyong iyon. I knew we were just young, but even when we got old, may nagbago ba?
So that night, I turned you down kasi I wanted to give myself a chance with someone else kahit pa nga...kahit pa nga sa kaibuturan ng aking puso, alam kong may pag-ibig pa rin ako para sa'yo. I still vividly recall that night: bilog ang buwan na napapalibutan ng ring of light at tumutugtog ang kantang may lyrics na "I still cry for you". (Years later, hinahanap ko pa rin 'yung kantang 'yon until I came across The Ghost of You by Michael Learns to Rock, pero hindi na ako sigurado kung 'yon nga ba 'yon.) You were begging me while I was adamant that we just stay as friends.
And we should have been. Hindi na sana tayo sumubok muli para hindi mo na ako muling i-ghost. Sana hinayaan ko na lang na hanggang doon na lang sa gabing iyon ang kwento natin. Kasi that time, may closure na sana ako, eh. Baka sana hindi na aabot pa tayo sa ganito. Baka sana hindi ka bigla na lang susulpot para humingi ng pambili ng sapatos na para bang pinagkakautangan kita.
It's good na maayos na ang buhay mo ngayon. Pulis ka na, pero sana, ipangako mong kahit man lang 'yung sinabi mo sa aking magiging isa kang mabuting alagad ng batas ay hindi maging half-meant dahil--God, forbid--sakaling abusuhin mo ang ranggo mo, ako mismo makakalaban mo.
Joke. Pero jokes are half-meant, 'di ba nga?
Hindi nagbibiro,
M