Nakakatakot Mag-Trenta
Akala ko noon hindi na ako aabot ng bente-singko, pero heto papawala na sa kalendaryo. Mas nakakatakot kumpara noong akala ko mamamatay ako bago mag-25 (natural man o kusa) kasi hanggang ngayon, pakiramdam ko wala pa rin akong napapatunayan sa sarili ko.
I do celebrate small wins. Natutuwa ako sa maliliit na bagay na napagtatagumpayan ko, pero madalas, nami-miss ko ‘yung dating ako na may malaking pangarap sa buhay. Nami-miss kong mabuhay para sa hinaharap at hindi lang magpa-agos sa araw-araw. Ngunit mukhang hanggang ala-ala na lamang ang lahat---ala-ala ng kabataang ngayo’y naglaho na.
Marami pa rin naman akong gustong matamasa, pero mga praktikal na kagustuhan na lang. Katulad na lamang ng mas malaking espasyo para sa amin ng mga alaga ko at ang matapos kong bayaran lahat ng loans ko. Nangangarap din akong magkaroon ng sariling bahay at lupa, pero sa itinatakbo ng ekonomiya ng bansa natin, palabo nang palabo ang pangarap na iyon.
May nailatag na rin akong plano: magbayad ng loans, hintayin maka-graduate ang aking dalawang kapatid mula sa kolehiyo, mag-ipon at bumalik sa law school. Pero tulad ng pagkaunsiyami ng maraming plano dahil sa COVID-19, natatakot akong masira muli ang aking bucket list ng kung anumang pandemya, giyera o sakuna. Tsaka hindi na rin ako sigurado kung tutuloy pa ba ako sa law school. Gusto ko mag-take ng Masters in Creative Writing o ng isa pang Bachelor’s degree sa Forensic Science. Pero gusto ko na rin buhaying muli ang pangarap na magtrabaho sa film industry. Kung hindi man ay baka mag-abroad na lang ako at doon maghanap ng panibagong buhay.
Ang dami kong gustong gawin, pero feeling ko, nauubusan na ako ng oras. Nalilito ako saan ba talaga ako patungo. Madalas naiisip ko, buti pa ‘yung mga dati kong kaklase na may sarili nang mga pamilya, may maaayos na trabaho, napabuti na ang buhay ng kani-kanilang mga magulang, walang iniisip na patung-patong na utang, nakakapaglakbay kung saan-saan. Samantalang ako, heto puro wishful thinking.
Malapit na akong mag-trenta. Noong high school, ni minsan ay hindi sumagi sa isip ko na ganito ang magiging buhay ko pagdating ko sa aking 20s. Noon, naiisip ko na magiging successful ako, pero ngayon, ni hindi ko na alam kung ano ba para sa akin ang kahulugan ng salitang “success”.
Nakakatakot mag-trenta. Nakakatakot tumanda nang hindi mo alam kung saan ka papunta. Gusto kong i-console ang sarili ko at sabihing, “at least you are learning”, pero sa ngayon hahayaan ko muna ang sarili ko na ilabas ang bigat na aking nararamdaman.