Kung Sakaling Tamaan ng Asteroid
![]() |
| Image by 9866112 from Pixabay |
Si Jos, dating diyos ng araw ay dati ring diyos ng ulan. Ngayon nga’y inilipat na naman siya ng trabaho dahil sa hilig niyang makialam sa mga tao. Pansamantala siyang itinalaga ni Bathala bilang diyos ng oras habang naka-maternity leave ang totoong in-charge.
Sa mga unang araw niya bilang pansamantalang diyos ng oras, naging matiwasay naman ang lahat. Maayos ang naging koordinasyon niya sa bagong diyos ng araw sa kung anong oras dapat ito lulubog at sisikat. Wala ring naging problema sa pag-atras ng orasan para sa Daylight Saving Time. All is well, ‘ika nga.
Iyon ang akala ni Bathala.
Ang hindi nito alam ay dala ng pagka-bagot, nakahanap ng panibagong pagkaka-libangan si Jos: iyon ang lumukso patungo sa nakaraan o sa hinaharap.
Nagawa niyang bisitahin ang mundo noong mayroon pang mga dinosaur. Nakita mismo ng kanyang mga mata kung paano maubos ang mga ito ng isang asteroid na tumama sa lupa. Naawa pa nga siya sa isang Tyrannosaurus Rex na napamahal na rin sa kanya. Wala naman siyang ibang magagawa. Hindi naman niya pwedeng iligtas iyon at baka pagbalik niya sa kasalukuyan ay may mga T-Rex na sa EDSA.
Nabisita niya rin ang iba’t ibang imperyo sa iba’t ibang dako ng mundo. Nakita niya ang pag-lawak at pag-bagsak ng mga imperyong Persya, Mongol, Ottoman, Espanyol, Ruso, Romano, Griyego, Britaniko pati na mga dinastiya ng Han, Yuan at Qing. May mga naging kaibigan siyang mga emperador (hindi alak), emperatris, hari at reyna. Nakatagay pa nga niya si Genghis Khan.
Ngunit para sa kanya, walang tatalo sa mga lumilipad na kotse sa hinaharap. Namangha rin siyang malaman na mape-predict na ang lindol at makakapamasyal na ang tao sa ibang planeta na parang namamasyal lang sa mall. Ang ikinalungkot niya lang ay ang malamang sa hinaharap ay wala nang diyos.
Pero may asteroid ulit na tatama sa mundo at uubos sa mga nakatira rito.
Ang kanyang paglalakbay sa nakaraan at hinaharap ay nalaman din ni Bathala. Dumagundong ang kalangitan dahil sa boses nito noong pinagalitan si Jos.
“Hindi ka na natuto! Aba’y ginamit mo pa talaga ang oras para sa iyong kapritso! Kung ang gusto mo talaga ay makihalubilo sa mga tao, sige! Doon ka sa lupa!”
At sa galit nga ni Bathala ay binawi nito lahat ng benepisyo niya sa pagiging diyos. Pinalayas siya nito sa kalangitan at ipinatapon sa lupa. Ang malala pa ay inalis nito ang kanyang ala-ala.
Kaya’t nang magising siya sa gitna ng kahabaan ng Don Chino Roces Avenue, wala siyang maalala kahit pa ang pangalan niya. Hindi niya alam na dati siyang diyos at naroon siya sa lupa bilang parusa. Sinubukan niyang humingi ng tulong sa bawat makasalubong, subalit pinangingilagan siya. Paano ba naman ay ginawa siyang taong grasa ni Bathala. Bukod sa madumi ay mapanghi pa.
Mabuti na lamang at mabait iyong isang naglalako ng mga kakanin. Binigyan siya nito ng biko. Iyon ang naging unang pagkain niya sa lupa bilang tao. Sa pagsubo niya ng huling piraso ng biko, nagkaroon siya ng pangitain. May babagsak daw na asteroid!
Sa mga sumunod na araw, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang tumayo sa kanto ng intersection ng Buendia at Don Chino Roces, at doon ay magpahayag ng nalalapit na paghuhukom---via asteroid. May hawak siyang malaking karton ng alak na nakasulat ang mga salitang, “MAGPAKABUTI KAYO! KUNG AYAW NIYONG TAMAAN NG ASTEROID!”
Katulad ng ilang manghuhula sa Quiapo at social media ay hindi rin pinaniwalaan si Jos ng mga nakakita sa kanya at sa kanyang karatula. Subalit iba si G o Galadriel, isang pitong taong gulang na lalaking paslit. Anak ito ni Aling Mayta na nagno-notaryo sa halagang singkwenta pesos kahit hindi naman ito abugado. Akala nito ay pangalan ng anghel ang ipinangalan nito sa anak. Hindi pala.
Simula nang pagpasyahan ni Jos na maging propeta, lagi na siyang pinanunuod ni G. Namamangha ito sa mga sinasabi niya tungkol sa pagtulong sa kapwa, pagpapakabuti at sa pagtama ng asteroid sa mundo. Minsan siya nitong tinanong kung ano ang asteroid, kung ikamamatay daw ba nito sakaling matamaan ito.
“Maglalaho ang buong mundo pati na ang mga tao,” ang sagot niya.
“Pati mga puno?”
“Pati mga puno.”
“At
mga hayop?
“At mga hayop.”
“Hindi na ako magiging doktor?”
Saglit niya itong tinapunan ng tingin. “Gusto mo bang maging doktor?”
Tumango naman ang bata bilang sagot.
“Bakit?”
“Para mabigyan ng magandang buhay si mama,” ang sagot nito makalipas ang ilang segundong pag-iisip.
Wala na siyang naisagot doon lalo na sa kasunod nitong tanong.
“Kung magpapaka-bait ba ako, hindi na tatama ang asteroid?”
Sa mga sumunod na araw ay tinulungan na rin siya nito. Gamit ang cellphone ni Aling Mayta, nag-post ito sa mga social media sites tungkol sa nalalapit na pagtama ng asteroid sa mundo. May mga naniwala, mayroon ding pinagtawanan lamang sila. Nagtalo-talo ang mga netizen sa comment section, iti-nag ang NASA, Philippine Space Agency, PAG-ASA pati PHIVOLCS (kahit wala naman silang kinalaman sa asteroid). Pumatok din sila sa mga influencer at vlogger.
Nag-viral sila sa social media. Pinag-usapan ng mga netizen. Nagkaroon ng kanya-kanyang opinyon ang mga ito: pula o puti. Nagkatalo-talo. Pero walang nagpakabuti at ang isyu ay tumagal lamang ng dalawang linggo. Ganoon kabilis siyang nakalimutan ng mga tao. Napalitan agad siya ng nag-viral na anak na breadwinner na nag-reklamo online dahil dito umaasa ultimo mga asawa ng kapatid nito. Maigi nga sigurong tumama ang asteroid sa mundo.
Lumipas ang mga araw at naging linggo. Ang mga linggo ay naging buwan. Ang mga buwan ay naging taon. Tuluyan na siyang nakalimutan ng mga tao. Simula rin noong nag-viral sila sa social media ay inilayo na ni Aling Mayta si G sa kanya. Umalis na ang mga ito sa kanto ng Buendia-Chino Roces. Ang huling balita niya ay lumipat na ang mga ito sa labas ng Makati City Hall kung saan mas maraming nagpapa-notaryo.
Umalis na rin siya roon dahil muntik na siyang hulihin ng mga pulis. Binaybay niya ang kahabaan ng Buendia hanggang makarating siya sa Taft Avenue. Sa ibaba ng LRT naman siya namalagi.
Tumigil na siya sa pagpapaka-propeta dahil wala namang nagawang mabuti iyon sa kanya at sa sanlibutan. Talamak pa rin ang hindi makataong pagpatay. Binabaril pa rin ang lulong sa droga, ang baon sa utang, ang kalaban ng makapangyarihan at kahit ang inosenteng napagkamalan lamang. Nag-halal ang mga tao ng mga berdugo at korap sa gobyerno. Marami pa ring scammer online at mga naniniwala sa astrology ngunit hindi sa climate change. Kaya’t sino ba namang maniniwala sa isang taong kalye tungkol sa tatamang asteroid?
“Jos.”
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang marinig muli ang kanyang pangalan makalipas ang ilang taon. Kasabay noon ang pag-ragasa ng kanyang mga ala-ala.
“Jos.”
Naramdaman niya ang isang tapik mula sa likuran. Nilingon niya kung sino ang tumapik sa kanya. Nagulat pa siya nang makilala ito.
“Bathala? Anong…anong nangyari?”
“Ikaw ang dapat kong tanungin niyan. Anong nangyari?”
Inalala niya ang mga taon na naroon siya sa lupa at pilit na nagpakalap ng balitang may tatamang asteroid sa mundo.
“Walang naniwala sa akin,” turan niya sa malungkot na tinig.
Tumangu-tango si Bathala na nag-katawang tao. “Hindi ba’t doon naman talaga patungo ang lahat? Hindi ba’t nakita mo na sa hinaharap na wala nang maniniwala sa mga diyos? Sa iyong palagay, bakit may maniniwala sa’yo tungkol sa asteroid?”
Hindi siya nakasagot.
“Kumplikado ang tao kahit pa nga simple lang ang paraan ng pagiging mabuti. ‘Wag mong ikalungkot iyon.” Bumuntong-hininga ito. “Siya nga pala, nakabalik na mula sa maternity leave ang diyos ng oras. May bago na ring diyos ng ulan. Sa ngayon, fully staffed ang management kaya’t kailangan kitang i-demote. Tutal ay mahilig kang makihalubilo sa mga tao, itatalaga kita bilang Chief Guardian Angel. Okay lang ba sa’yo?”
Hindi rin naman siya maka-hindi kaya’t pumayag na lamang siya.
“Pangalagaan at protektahan mo ang tunay na mabubuti---ang mga nangangalaga sa kalikasan, ang mga nagmamalasakit sa kanilang kapwa maging sa mga hayop, ang mga nagpapakumbaba at ang mga tunay na namamahala. Hindi bale kung ano o sino ang pinaniniwalaan nila dahil sila ang magpapabuti sa buhay ng bawat isa.”
“Kung ganoon ay hindi na tatama ang asteroid?”
Muling napa-buntong hininga si Bathala. Halatang medyo naiinis na ito. “Iyon pa talaga ang concern mo? Bakit ka matatakot sa hinaharap kung alam mo namang ginawa mo ang tama sa kasalukuyan? Tumama man ang asteroid o hindi, hindi mababago nito ang kabutihan ng puso ng tao.”
“Kung sakaling tumama ang asteroid, mabuti nang mamatay ng mabuti kesa maitim ang budhi,” sang-ayon naman niya.
“Ngayon, ang una mong kailangang bantayan ay minsan mong naging kaibigan. Magkikita kayong muli…maya-maya lamang.” Pagka-wika niyon ay biglang naglaho si Bathala. Marahil ay bumalik na sa kalangitan.
Hindi niya batid kung sino ang tinukoy nito, ngunit naagaw ang kanyang pansin ng isang lalaki na kabababa lamang mula sa istasyon ng LRT. Napalingon ito sa kanya at saglit siyang pilit kinilala. Ang kunot ng noo nito ay unti-unting napalitan ng isang malapad na ngiti sa labi.
“Manong! Kilala mo pa ba ako?” Bati ng estranghero nang lumapit sa kanya. “Ako ‘to, si G!”
Pagkabanggit ng palayaw nito ay napangiti na rin siya. Si G! Ang kanyang mabuting kaibigan. Hindi ito naging doktor, subalit mag-aaral ng abugasya. Nagkaroon daw ito ng pagna-nais na matutunan ang batas matapos na makulong ang ina nitong si Aling Mayta dahil umano sa pagbe-benta ng droga.
"Eh, hindi naman pusher si nanay. Kilala mo naman ‘yon, Manong. Hindi gagawa ng masama ‘yon para lang may ika-buhay kami.”
Ang malungkot pa roon ay namatay si Aling Mayta sa kulungan habang dinidinig ang kaso nito.
“Kaya gusto ko mag-aral ng batas. Para kay nanay at sa marami pang pinagkaitan ng hustisya.”
Napangiti siya. Mabuti pa si G mabuti.
“Naalala mo ba ‘yung tungkol sa asteroid na tatama sa mundo sa hinaharap?” Tanong niyang nagba-baka sakaling hindi nito nalimutan.
“Naku, Manong. Nakalimutan ko na. Buti pinaalala mo.”
Nakaramdam siya ng lungkot.
“Pero ‘yung turo mo na maging mabuting tao, hindi ko nakalimutan.”
Mula noon at sa mga susunod pang milenya, bago tumama ang asteroid na umubos sa mga dinosaur, ay nanatiling Chief Guardian Angel si Jos. Nagkaroon man ng casualty ng ilang mabubuti, ang kabutihan naman ng mga ito ay nag-patuloy hanggang sa hinaharap na kanyang nasaksihan.
###
