ANG PAG-AAKLAS NG MGA PUSA
“Good afternoon, Attorney,” bati ni Gracelyn sa kanyang boss pagdating nito sa opisina.
Galing sa isang hearing ang boss niyang si Atty. Lea Manlapaz, isang human rights lawyer. Kasalukuyang hawak nito ang kaso ng ilang mga katutubo na pinalalayas sa lupaing inaangkin ng pamilya ni Mayor Louie Sandoval, ang mayor ng bayan ng Kulimlim.
Ginawaran siya nito ng malapad na ngiti bilang pagbati. Walang salitang inilapag nito ang mga dala-dalang gamit at naupo. Agad din itong sumubsob sa ginagawa nitong pleading kahit pa nga kararating lamang mula sa korte.
Ganoon kasipag ang kanyang boss. Madalas ay nauuna pa siyang umuwi dahil marami itong tinatapos na trabaho. Kahit pa mag-offer siyang tulungan ito ay tinatanggihan nito dahil wala raw itong maipangbabayad na overtime pay sa kanya.
Ganoon pa man, tinutulungan pa rin niya ito sa abot ng kanyang makakaya. Paano naman, isa siya sa mga taong natulungan nito. Kung hindi dahil dito, malamang ay nasa kalsada pa rin siya ngayon, nanlilimos o ‘di kaya’y nagbebenta ng laman.
Alas kwatro ng hapon, nag-ayang magkape ang abugado. Kapag ganoon, batid na ni Gracelyn na may gumugulo sa isipan ito.
Lumabas sila ng opisina at bumaba sa unang palapag ng gusali kung nasaan ang isang coffee shop. Hinayaan na niya itong um-order para sa kanilang dalawa habang siya nama’y naghanap ng kanilang mauupuan. Sakto namang bakante ang puwesto sa pinakasulok ng tindahan. Iyon ang paborito niyang puwesto sa coffee shop na iyon dahil tanaw ang buong shop mula roon.
Vietnamese iced coffee ang inorder sa kanya ni Atty. Lea at cold brew naman ang binili nito para sa sarili. Pagka-upo nito sa tabi niya ay saglit itong humigop ng malamig na kape saka napatitig sa mga labas-masok sa coffee shop.
Ilang segundo rin silang walang imik hanggang ang abugado na ang bumasag ng katahimikan sa kanilang pagitan.
“Gracelyn, okay lang ba? Ibibilin ko sana sa’yo ang mga alaga ko.”
May alagang siyam na pusa si Atty. Lea. Karamihan sa mga ito ay galing sa Sitio Asilo, ang lupang kinakamkam ng mga Sandoval. Ang iba namang mga pusa ay napulot ng mabuting abugado sa kalye. Likas na talaga rito ang pagiging matulungin hindi lamang sa mga tao kung hindi maging sa mga hayop.
Nagtaka siya sa tinuran nito kung kaya’t hindi niya naiwasang mag-alala. “Aalis ka po ba, Attorney?”
Umiling ito. “Hindi naman. It’s just that…” Bumuntong-hininga ito bago ngumiti nang hindi umaabot sa mga mata. “Alam mo ba, minsan feeling ko kapag namatay ako, ipaghihiganti ng mga pusa ko ang kamatayan ko.”
May kung anong lamig siyang naramdaman dahil sa sinabi nito. “Si Attorney naman. Thirty-five ka pa lang po. Matagal ka pa mamamatay. ‘Wag mo nga isipin ‘yan.”
Bahagya itong natawa dahil sa sinabi niya, pero hindi na pinalawig pa ang usapan. Matapos maubos ang kani-kanilang mga kape ay bumalik na sila sa kanilang opisina. Pinauwi na rin siya ni Atty. Lea dahil baka raw abutan siya ng malakas na ulan sa daan.
Hindi naman umulan noong pag-uwi niya, subalit kinaumagahan, pagdating niya sa opisina, bumaha ng luha.
Natagpuang patay si Atty. Lea Manlapaz sa opisina nito. Labing-tatlong tama ng bala ng baril ang kumitil sa abugado.
Hindi makapaniwala si Gracelyn na sa isang iglap ay mawawala ang itinuturing niyang “mentor” at “role model.” Batid niyang delikado ang trabaho nito. Hindi iilang beses itong nakatanggap ng banta sa buhay bilang tagapagtaguyod ng hustisya. Ganoon pa man, nakakabigla pa rin ang nangyari. Nakakalungkot. Nakakagalit.
Inalala niya ang mga naulila ng mabuting abugado: ang mga pusa nitong sila Potpot, Gret, Babi, Batit, Bubwit, Kikik, Yumi, Franky at Miming. Malamang ay naghihintay ang mga ito sa pag-uwi ng kanilang nanay. Kaya naman, sa kabila ng pagdadalamhati ay nagtungo siya sa bahay ng yumaong amo. May duplicate siya ng susi ng bahay nito dahil sa tuwing umaalis ito ng ilang araw, siya ang nagpapakain sa mga pusa. Hindi na siya estranghero sa mga hayop na iyon, ngunit paniguradong maninibago sila na hindi na kasama ang kumupkop sa kanila.
Pagdating sa bahay ni Atty. Lea, pagbukas ng pinto, pagkakita sa mga pusa, hindi napigilan ni Gracelyn humagulhol sa muli. Pinagtinginan siya ng mga ito, naghihintay na tumahan siya’t magsabi ng problema…o pakainin sila.
Sa kabila ng pag-iyak ay sinabi niya sa mga pusa ang sinapit ng kanilang tagapangalaga. “W-wala na…wala na si Attorney…P-pinatay siya.”
Walang reaksyon ang mga pusa. Lalong humagulhol si Gracelyn.
Umiiyak siya habang naglalagay ng pagkain ng mga pusa sa mga kainang gawa sa ceramics. Umiiyak siya habang dumadakot ng dumi ng mga ito. Umiiyak pa rin siya habang iwinawasiwas ang laruang hugis isda na pilit hinahabol ng siyam na pusa.
Nang sumunod na araw, bumalik siya sa kanilang opisina para kunin ang ilan niyang mga gamit doon. Pagdating niya, walang mga pulis subalit nakakordon ng kulay dilaw ang pinto ng opisina. Pumasok siya sa loob at noon lamang napansin kung gaano kagulo ang silid.
Nagkalat ang mga dokumento’t papel. Nakatumba ang dalawang office chairs. Basag ang center table na gawa sa salamin. Bukas ang lahat ng mga drawer at kabinet; kahit ang alam niyang naka-lock. Parang dinaanan ng bagyo ang kanilang opisina.
Lumapit siya sa mesa ng yumaong abugado at doon napagtanto ang isang bagay: nawawala ang laptop ni Atty. Lea! Hinalughog niya ang buong opisina para hanapin ang laptop, subalit hindi niya nakita. Naisip niyang baka nasa sasakyan nito kung kaya’t nagmadali siyang pumunta sa parking dala ang susi. Ngunit wala rin doon ang laptop.
Nagpasya siyang bumalik sa bahay ng abugado para tignan kung naroon ang laptop nito. Pagpasok niya ay nagtaka pa siya dahil walang pusa na sumalubong sa kanya. Saglit na nawaglit sa isipan niya ang hinahanap na laptop at ang mga pusa naman ang hinanap. Tinawag niya isa-isa ang mga pangalan nito, “Pottie! Gret! Babi boy! Tetet! Kiks! Yumi girl! Frankieeee! Menggay!”
Ngunit walang pusang lumapit.
Sinuyod niya ang sala, kusina at banyo, pero wala ang mga pusa. Kaya’t, sa unang pagkakataon, umakyat siya sa ikalawang palapag ng apartment kung nasaan ang kwarto ng namayapang boss. Hindi naka-lock ang silid nito at pagbukas niya ng pinto, nabungaran niya ang siyam na pusa na nakaupo, nakaharap sa isa’t-isa at nag-uusap-usap.
Oo! Nagsasalita ang mga pusa!
Napako siya sa kanyang kinatatayuan dahil sa labis na pagkagulat. Pero mas nagimbal pa siya nang biglang lumingon ang mga ito sa kanya at nagsalita si Potpot, “Do you mind?”
Mabilis niyang naisara ang pinto ng silid at dali-daling bumaba. Pero pumanhik muli siya sa pagnanais na makasigurong hindi siya nasisiraan ng bait. Muli niyang binuksan ang pinto ng silid at tama nga: nagsasalita ang mga pusa at hindi siya naloloka.
“Nagsasalita kayo? Paanong---”
“Sa paraang naiintindihan mo, oo, nagsasalita kami,” sagot naman ni Gret.
Napaupo siya sa pagkabigla samantalang bumalik sa kanilang pagpupulong ang mga pusa. Sa kabila ng hindi pagkapaniwala, nanatili roon si Gracelyn para makinig sa pinag-uusapan ng mga ito: ang plano kung paano ipaghihiganti ang kamatayan ni Atty. Lea.
Naalala niya tuloy ang sinabi ng kanyang boss bago namayapa, “kapag namatay ako, ipaghihiganti ng mga pusa ko ang kamatayan ko.”
Tama nga ito.
“Sino bang pinaghihinalaan niyo?” Sabad niya sa pag-uusap.
Napalingon sa kanya si Potpot na para bang nagulat na naroon pa pala siya. “Si Mayor Sandoval.”
“Si mayor? Paanong si mayor?”
“Nai-kuwento ni Mommy Lea na ginigipit siya ng mga lawyer ni Mayor,” sagot ni Yumi. “And she knows nagsasabwatan si Mayor and ‘yung judge. She has proof. Isusumbong na nga niya dapat, eh.”
“Nasaan ‘yung ebidensiya?”
“Nasa laptop ni Tita Lea,” wika naman ni Kikik.
At saka naalala ni Gracelyn na hinahanap nga pala niya ang laptop ng yumaong abugado. Tumayo siya upang hanapin iyon sa loob ng silid, subalit napigilan siya ng sinabi ni Potpot.
“Wala rito ‘yung laptop. Hinanap na namin, pero wala.”
Pinanghinaan siya ng loob. Marahil ay nakuha na ang laptop ng bumaril o mga bumaril kay Atty. Lea.
“Kaya kailangan namin ang tulong mo, Gracelyn.”
Napalingon siya kay Potpot.
“Kailangan mong kumbinsihin ang mga taga-Sitio Asilo na mag-aklas para kay Lea.”
Subalit ang hinihingi ng mga pusa ay halos imposible. Nang mabalitaan ng mga taga-Sitio Asilo na binaril si Atty. Lea ay tila makahiyang tumiklop ang mga ito. Ni hindi nga dumalaw ang mga ito sa burol ng kanilang tagapagtanggol. Nauunawaan naman ni Gracelyn. Takot lang din ang mga ito para sa kanilang mga buhay.
Iyon ang ipinaliwanag niya sa mga pusa.
“Ganoon naman ang tao,” komento ni Potpot sa kanyang ipinaabot. “Madaling maduwag. Kaya namamayani ang mga mapagsamantala kahit pa nga mas marami ang maaaring lumaban.
Nalungkot siya sa sinabi nito, ngunit wala na rin naman siyang nagawa.
Dumating ang araw ng libing ni Atty. Lea. Naroon ang naulila nitong pamilya: ang nanay nitong may sakit na Alzheimer’s at nakababatang kapatid na lalaki kasama ang asawa’t dalawang anak nito. Bata pa noong namatay ang kanilang padre de pamilya. Ngayon, makakasama na ni Lea ang ama.
Nakiramay din ang mga dating kaklase ng abugado, maging ilang mga naging kliyente. Dumalo rin ang kapitan ng Sitio Asilo, ngunit maliban sa kanya, wala nang ibang taga-Sitio ang nagpunta. Marahil tama nga ang mga pusa, madaling maduwag ang tao.
Habang nagmi-misa ang pari, nagulat ang lahat dahil sa kakaibang pangyayari: daan-daang mga pusa ang sumugod sa simbahan at nakiramay! Namangha si Gracelyn sa nasaksihang pag-aaklas ng mga pusa. Mahina siyang natawa dahil doon.
May isang puting pusa na magkaiba ang kulay ng mga mata ang lumapit sa kanya na tila iginigiya siya palabas ng simbahan. Sumunod naman siya roon. Lalo pa siyang hindi makapaniwala nang ihatid siya nito sa kalapit na municipal hall.
Nakita niya mismo ang paglusob sa munisipyo ng napakaraming pusa: kulay kahel, calico, itim, tuxedo, puti at tilapya; puspin, persian, siamese, at marami pang iba. Iisa lang naman kanilang pakay: ang ipaghiganti ang pagkamatay ni Atty. Lea.
Puntirya ng grupo ng mga pusa ang tanggapan ni Mayor Sandoval. Doon ay naabutan nila ito na kausap sa telepono ang huwes na may hawak sa kaso ng mga taga-Sitio Asilo. Nagulat pa si Mayor nang talunan siya ng hindi lang isa, hindi lang dalawa, kung hindi siyam na mga pusa! Nakakunyapit ang mga ito sa kanyang damit na hindi nakaiwas sa pagkapunit. Kahit ang balat niya’y napuno ng mababaw na mga kalmot. Dala ng takot sa mga pusa ay napatakbo ang mayor palabas ng kanyang opisina at palabas ng munisipyo.
Nang masiguro namang nakaalis na ang mayor ay pumasok naman si Gracelyn sa opisina nito. Hindi niya alam kung sadyang clumsy lang si Mayor Sandoval o talagang pinagkaitan ito ng talino. Nakita kasi niya agad ang laptop ni Atty. Lea sa ibabaw ng mesa nito. Binuksan niya iyon at sinuyod ang laman. Nahanap niya ang pruwebang tinutukoy ng mga alagang pusa ni Atty. Lea: isang video ng pribadong pagkikita nina Mayor Sandoval at ng judge.
Iniupload niya ang video sa social media na umani naman ng iba’t-ibang reaksyon sa mga netizen. Ginamit di niyang ebidensya ang video sa kaso laban sa dalawa. Samantala, matapos ang pangyayaring pagsalakay ng mga pusa sa munisipyo, nakakuha ng panibagong lakas ng loob ang mga taga-Sitio Asilo upang ipaglaban ang kanilang lupain. May bagong abugadong humawak ng kanilang kaso at nailipat din iyon sa ibang judge. Matapos ang isang buwan ay nabasura ang kasong ejectment laban sa mga taga-Sitio Asilo.
Matiwasay namang nailibing ang labi ni Atty. Lea noong araw ng pag-aaklas ng mga pusa. Kinupkop na rin ni Gracelyn ang siyam na alagang pusa ni Atty. Lea habang ang mga pusang kalye na sumama sa pag-aaklas laban kay Mayor Sandoval ay nakahanap ng kanlungan sa tahanan ng mga taga-Sitio.
-wakas-