Nang ang Oras ay Kalawangin


Oras ng klase, 7:30 am-9:30 am. Alas siyete, maaga pa, mag-isa pa lang ako. Fifteen minutes ang lumipas, wala pa rin. Lumabas muna ako ng building. Limang minuto bago ang oras ng klase, bumalik na ako ng classroom, wala pa rin. 7:30, wala pa. Limang minuto ang lumipas, may dumating na isa. Makaraan pa ang ilang minuto, paunti-unting dumating ang iba. Isang oras ang lumipas, kalahati pa lang ang klase… Utak Pilipino talaga.

Isa sa pinakaayaw ko ang nahuhuli sa anumang bagay. Mahalaga para sa akin ang oras, kasinghalaga ng taong naghihintay para sa akin sa napagkasunduang oras. Ang kaso, hindi ko alam kung ganoon din ba iyon para sa iba o pa-espesyal lang talaga sila.

Minsan tinanong sa akin sa isang chat ni Ka Ruel Reyes, nakilala ko sa Facebook, ang tanong na ito, “Paano pinahahalagahan ng bawat indibidwal sa isang lipunan o bansa ang lahat ng bagay?”

Sa totoo lang Ka Ruel, hindi ko masasagot ng direkta ang tanong mong iyan dahil base sa obserbasyon ko sa paligid na pinagmulan ko at sa kinaroroonan ko ngayon, magkakaibang mga bagay ang pinahahalagahan ng bawat tao at kasangkot pa rin dito ang oras.

Alas singko y media ng umaga, nasa opisina na raw ang mga officers. Alas sais, maaari ng kunin ang mga t-shirt. Alas siete na ako pumunta para siguradong makukuha ko na agad. Pagdating ko, wala pa raw yung officer na may hawak ng lista ng t-shirt sizes ng klase namin, pinaghintay ako. Halos isang oras ang nakalipas bago dumating yung hinintay ko at pagdating nya, walang umintindi sa akin. Ok, ako na ang lumapit, sandali lang daw. Konting hintay, ayos na. Alas otso pasado ko na nakuha yung t-shirt.

Mahal nila ginagawa nila…ang magpaasa. Nakakalungkot isiping sa ganitong maling sistema ng maliit na organisasyon nagsisimula ang malaking kabulukan sa sistema ng pamumuhay ng sangkatauhan. Kung mahalaga ang oras para sa kanila, pinahahalagahan din nila ang posisyong mayroon sila at ang tiwalang ipinagkaloob ng madla sa kanila. Simpleng bagay lang naman kasi…oras.

Isang buwan pa lamang bago ang itinakdang araw, ibinigay na ang literary piece para sa speech choir upang makapaghanda ang klase. Nagbigay ng iskedyul ng rehearsal, kakaunti ang dumating. Dalawang linggo na lamang bago ang performance, iisang stanza pa lang ang nagagawa…gusto nang iuurong ng iba ang laban. Ang dahilan, walang oras dahil gagawa pa ng documentary para sa finals. Nasaan kayo noong mga iskedyul na ibinigay? Wala. At ngayon nyo sasabihing kulang kayo sa oras?

Kung mahal mo ang landas na pinili mo, paglaanan mo ng oras at determinasyon ang bawat hamon na napaloob dito. Time management.

Kung bakit ba naman kasi nauso pa ang VIP, laging gusto ng special treatment, ng grand entrance. Nag-uunahan man ang mga takbo ng relo natin, may tumigil man sa mga relong ito, iisa lang ang naman ang daigdig na mayroon tayo—daigdig na umiikot sa isang paraan, sa iisang oras.

Ang oras ay katumbas ng ating buhay. Mahalaga. At ang bawat isang segundong nasasayang sa paghihintay ng mga taong hindi marunong magpahalaga nito ay isang buhay na boredom ang napapala. Marami kang magagawa sa loob ng isang minuto lang, pero nasasayang dahil sa paghihintay. Maghihintay ka ng matagal hanggang matapos ang araw na walang napatutunguhan. Tapos darating ang due date, pero wala kang maipipresent, wala namang kwenta. Nagahol daw sa oras, eh. Pero sa totoo hindi marunong mamahala ng oras. At hangga’t hindi lumilipas ang due date, hindi sila mag-sisisi. Kasi naman nasa huli ang pagsisisi at there’s always a next time. Bwisit na next time ‘yan.

“Waiting is virtue,” sabi nila. Pero para sa akin, waiting is a waste for pre-madonnas. May tiyaga naman ako sa paghihintay dahil mahalaga sa akin ang mga bagay na pinaglalaanan ko ng oras sa paghihintay, pero ayokong dumating sa puntong kalawangin na ang oras ko dahil sa paghihintay sa mga VIP. Kaya, please! Ibasura nyo na ang ugaling Filipino Time.

Ayan, may dumating pa. Time check, 9:29 am. Haaayyyyy….