Paano Mo Nasabing Estudyante Ka?


Estudyante ako kasi may discount ako sa pamasahe sa PUVs.

Estudyante ako kasi naka-enrol ako sa paaralan, lagi akong present, lagi akong may baon at lagi akong maraming contribution na binabayaran.

Estudyante ako kasi naka-uniform ako, naka-black shoes, naka-ID at sinisita ng guard pag hindi naka-uniform, naka-black shoes at naka-ID.

Estudyante ako kasi nagpapasa ako ng reaction papers, reflection papers, narrative reports, projects, thesis, sumasagot ng short quizzes, long quizzes, midterm exams at final exams.

Estudyante ako kasi uma-attend ako ng symposiums, seminars, film showings, stage plays, acquaintance parties, welcome parties, Christmas parties, JS (para sa mga High Schools), Intramurals, foundation day/week, Buwan ng Wika, Nutrition Month celebrations, Book Week, teacher’s day at marami pang students activities… haayyy…

Estudyante ako kasi uma-attend ako ng flag ceremony kahit Panatang Makabayan o Panunumpa sa Watawat na lang ang inaabutan ko.

‘Yan ang buhay estudyante, pero hindi sapat na nakaupo ka lang sa buong talakayan, titingin sa white board o blackboard na green, kokopya, makikinig kuno sa guro at lalabas ng class room nang naiwan lahat ng pinag-aralan sa apat na sulok ng silid.

“Ano ang nakakatamad sa course natin?” Tanong ko minsan sa mga kaklase ko. Wala akong konkretong sagot na nakuha mula sa kanila. Mali siguro yung tanong ko sa kanila. Dapat siguro, “Ano ang nakakatamad sa pagiging estudyante?” At base sa obserbasyon at sa karanasan ko, nasagot ko ang sarili kong tanong.


Scenario 1a:

“First choice mo?”

“Hindi. Wala nga sa choices ko ‘to, eh. Dito na ako napadpad kasi Qualified But Below Quota ako sa gusto kong kurso.”

“Bakit hindi ka mag-shift?”

“Sayang ng pera at ng oras.”

Scenario 1b:

“First choice mo?”

“Oo.”

“Wow.”

“Pero sila mama at papa ang may gusto.”


Student Passivity.

Oo, nakakatamad ding mag-aral. Labing-limang taon ka magsusunog ng kilay, minsan nga higit pa. Ako nga, nasa ikalabing-tatlong taon na ng pagiging estudyante. Dalawang taon na lang, magtatapos na ako. May mga pagkakataong gusto ko nang sumuko dahil nakakasawa na, pero hindi ko sinubukang gawin iyon. Hanggang ngayon, estudyante pa rin ako. Bakit? Dahil hilig ko ang matuto.

Maraming dahilan ang student passivity ayon sa obserbasyon ko, at una diyan ang interes ng isang estudyante sa kursong pinag-aaralan nya.

Sa loob ng labing isang taon, hinahasa ang kakayahan ng mag-aaral sa kinder, elementary at high school. Diyan matutuklasan ang kung ano ang mga kahinaan at kakayahan ng estudyante. Ang kaso minsan, tumatanggap na ng diploma sa high school, wala pa ring naiisip na kursong nais kunin. Ang nangyayari, mag-eenrol sa isang kurso, huli na para malamang hindi pala iyon ang gusto. Naisin mang magshift, sayang naman daw sa pera at oras. Ang resulta, napipilitan na lang pumasok sa paaralan—walang nauunawan o ayaw lang talaga umunawa; walang natututunan o ayaw lang talaga matuto…hindi kasi makarelate sa lesson.

Ganyan din ang nangyayari sa estudyanteng “ang-pangarap-ni-papa-at-mama-para-sa-akin-ang-sinunod”. Iba ang nais pero, labag man sa kalooban, kailangang sundin si mama, si papa dahil sila ang magpapaaral and “parents know best”. Nakagapos sa pangarap ng iba.


Scenario 2a:
(Psychology class)

Professor: I wear cheap clothes, but not cheap underwears.

Mga estudyante: (Ngisian sa isa’t isa)

Walang recitations, walang final exam…1.3 to 1.7 ang grade ng mga estudyante. Ayos! Kaso walang natutunan.

Scenario 2b:
(Humanities class)

Class schedule: 8:00 am to 9:30 am

Dumarating si Madam, 8:30 or 9:00. Pagdating lesson, ang mga nasa unahan lang ang nakikinig. Mataas ang grades. And… wait, ‘yung sketch pad ko ‘di na nakabalik.

Scenario 2c:
(Physical Science Class)

Assignment no. 1: Research for the meaning of Albedo. -- Done!

Assignment no. 2: Why is it that trees along the high way seem to bend toward the high way? What’s the role of albedo in this phenomenon? – Done again!

Assignment no. 3: What is Albedo? -- Again??

Mga Estudyante: Madam, nakapass na kami!

Teacher: Hindi nyo naman nakukuha ‘yung tamang sagot. Research again.

Hindi ko na alam kung ilang beses kaming nag-research, nagpa-print/nagpa-photocopy ng gawa ng kaklase, nag-submit at na-checkan sa assignment naming iyon. Ang masaklap, hindi sa amin sinabi ‘yung sagot.

Scenario 2d:
(P.E 2 Class)

Mga student teacher ang nagturo sa amin noon. Ang nangyari, lahat ng index card namin na sinulatan ng grades sa PE, lahat may erasure ng white out. May mga point 3 na dagdag sa lahat ng grades. Ang hindi ko lang gusto, yung isang madalas absent, flat 1 ang grade plus point 3 equals 1.3 na lang. Samantalang karamihan sa aming madalas present, 1.5 to 1.9. Tsk! Saklap!

Scenario 2e:
(ICT class)

Hot seat! Shemay! Pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako nasasalang sa hot seat, lagi kasing absent si sir. Naghihintay kami lagi sa kanya, pero wala. Buti nga ‘yun, eh. Wala naman kasi akong natutunan. Fundamentals lang naman kasi ang description ng subject naming iyon, pero yung mga lessons namin, pang computer major talaga. Sa subject lang na iyon ako nawalan ng interes dahil animated ako sa pinagsasasabi ng professor.

Sana lang ‘wag na syang magpakita sa amin.


Malaki ang role ng guro sa pagkatuto ng mga estudyante. Ang 50% ng natututunan namin ay ayon sa itinuturo ng mga guro. Kaya’t kung tamad pumasok o magturo ang isang guro, malaking bahagi ng aming pagiging estudyante ang nawawala at nasasayang.

Marami na akong naging guro, marami na akong nakilalang guro sa loob at labas ng mga paaralang pinasukan ko at marami pa akong makikilala habang ako’y nasa unibersidad. Magkakaiba sila hindi lang batay sa subject na itinuturo nila kundi maging sa paraan ng kanilang pagtuturo, sa pakikisama sa kanilang mga mag-aaral, sa pagdidisiplina at sa marami pang paraan.

Ang attitude ng guro ay nakakaapekto sa attitude ng mga estudyante sa loob ng klase. Kung istrikto ang guro, takot ang mga estudyante. Tahimik lang silang makikinig. Terror daw, eh. Kung mabait ang guro, maingay ang klase. Lahat ng gusto nilang sabihin, mailalabas nila ng walang takot dahil alam nilang may nakikinig sa kanila. Walang tama, walang mali. Barkada lang ang turingan. Kung wala namang pakialam ang guro, hati ang klase—may nakikinig, isa o dalawa; may naghihikab; may nag-dadaldalan; at may ibang walang connect sa subject ang ginagawa.

Pero napansin ko ngayon sa klaseng kinabibilangan ko, istrikto man o mabait ang guro namin, isa lang ang senaryo sa loob ng classroom: tahimik, mangilan-ngilan lang ang nagpa-participate, at walang buhay. Pati tuloy professor tila nadadala na sa passivity ng klase.

Haayyy…. Ano ba talaga ang problema?


Scenario 3a:

Professor: Noong March 17, 1521, dumating sa Pilipinas si Ferdinand Magellan… blah… blah… blah… Any question?

Mga estudyante: (walang buhay) None…

Scenario 3b:

Professor: Kasi sa boyfriend-girlfriend relationship… blah… blah… blah…
(mga estudyante, nag-uunahang magsalita.)

Estudyante 1: Tama, sir!—

Estudyante 2: Hindi rin, sir---

Estudyante 3: Kasi, sir… blah… blah… blah…


Aminin man natin sa hindi, karamihan sa mga estudyante ang mas interesado sa ibang mga bagay higit sa pag-aaral ng paulit-ulit na mga lessons. Oo, paulit-ulit na nga, hindi pa rin tumatatak sa isipan ng mga estudyante. Pero kapag lovelife, mga uso, mga “in”, alam na alam nila kahit isang beses lang nila narinig.

Beauty, glamour and make-up vs. brain, lessons and books.

Hindi tayo pinag-aaral ng mga magulang natin para matutong mag-make up, makisabay sa uso at matuto ng mga walang kwentang bagay. Nasa paaralan tayo para malinawan ang isip natin sa mga katuruan sa ating mga paligid. Nasa paaralan tayo upang mahubog ang ating pagiging responsableng nilalang.

Hindi sapat na sabihing nag-aaral ka sa kilalang paaralan nang hindi ka naman nagiging responsableng estudyante. Hindi sapat na nagsa-submit ka lang ng mga requirements para makapasa nang hindi man lang alam kung may sense ba ang ipinapasa mo. Hindi sapat na magtapos ng kurso at tumanggap ng diploma nang wala ka namang natutunan.

Hindi sapat na sabihing estudyante ka kung hindi mo naman alam ang mismong ibig sabihin ng pagiging mabuting estudyante.


Walang excuse para sa taong bukal sa kalooban ang mag-aral at matuto.


Professor: Exam tayo ngayon. Get 1 whole sheet of paper.

Ibang estudyante: Sir??? Bukas na lang.

Estudyante 1: (kay estudyante 2) Mag-aano daw?

Estudyante 2: (kay Estudyante 1) Ewan. (kay estudyante 3) Pahingi ng papel.

Estudyante 3: (binigyan ng papel si estudyante 2)

Estudyante 2: (kay estudyante 3) Salamat. Ano daw gagawin?

Estudyante 3: Mag-eexam daw.

Estudyante 2: 1 whole?

Estudyante 3: (palinga-linga) Oo yata. Tanong mo kay sir.

Estudyante 2: (kay professor) Sir, 1 whole?

Professor: Kasasabi ko lang, ‘di ba? One-half!

Mga estudyante: (sabay-sabay) Sir, sabi mo 1 whole!

At nagkagulo na po.