Dalawang Daan
“Kanan. Hihintayin kita sa labas, ha.” ‘Yun lang at naputol na ang tawag.
Nanginginig ang mga kamay niya. Hindi dahil malamig ang hanging dumarampi sa kanyang murang balat kundi dahil nag-iinit ang kanyang buong katawan at pagkatao.
Kinakabahan siya,gs ngunit sa kabilang banda, nananabik siya. Gusto niya rin iyon maranasan tulad nila. Ayaw niya mapag-iwanan dahil ‘yun ang uso.
SEX.
Impokrita/Impokrito ka kung itatanggi mong hindi ang iniisip ko ang iniisip mo. Tatlong letrang salita. Mainit sa pandinig ng marami lalo na sa mga kabataang tulad niya. Maraming sabik sa bagay na ‘yan at isa siya roon.
Dala ng impluwensiya ng barkada? Ng media? Ng mga mahihilig sa PDA? Dahil sa kapabayaan ng tahanan? Ng paaralan? Ng simbahan? Ng pamahalaan? Ng lipunan? Dulot ng sariling kakulangan? Kapusukan? Kuryusidad? O dahil sa dakilang rason na ‘wala lang’?
Ewan. Kanya-kanya ng turo, eh. Hugasan ng kamay. Walang gustong umako ng kasalanan.
Naguguluhan siya, nagdadalawang-isip. May dalawang boses sa isip niya. Sabi ng isa, tumuloy siya. Huwag naman ang sabi ng isa. Hindi niya matukoy kung aling boses ang pag-aari ng anghel at alin ang sa demonyo.
Pwede bang humingi ng signs kay Lord?
Natagpuan niya na lang ang sarili na dinadala ng sariling mga paa patungo sa direksiyon na sinabi ng kasintahan. Ang lakas ng pintig ng puso niya.
Dug-dug. Dug-dug.
May napansin siyang isang dalagita at isang batang lalaki sa daan. Marahil kasing-edad niya lang ang babae, labing-lima. Ang bata marahil ay tatlong taon. Nakasakay sa kariton ang bata na itinutulak naman ng dalagita. Parehong marumi ang damit ng dalawa.
Kawawa naman ang magkapatid, naisip niya.
“Mama!”
Nanlaki ang mga mata niya nang tawagin ng batang lalaki ang babaeng kasama nito at ipakita ang isang retaso ng tela.
Totoo, mag-ina ang dalawang iyon?
Nakaramdam siya ng panlulumo. Napakabata pa ng babae para maging ina. Siya kaya? Kakayanin kaya niya kung sakaling mangyari iyon sa kanya?
Hindi. Hindi mangyayari iyon. Mag-iingat sila ng kasintahan…
Dahil sa lalim ng iniisip, hindi niya napansing may kasalubong siya. Hindi sinasadyang nabunggo niya ang isa.
“Paumanhin po,” aniya.
Nginitian na lang siya ng dalawang matanda. Napakasaya nila para pagalitan siya.
Hindi niya napigilang sundan ng tingin ang dalawa. Sigurado syang mag-asawa ang mga ito. Akbay-akbay pa ni lolo si lola at masaya silang nagkukwentuhan habang papalayo.
Napangiti siya. Napakaswerte nila at umabot pa sila sa ganoong edad na magkasama at pareho masaya.
Bigla na lang gusto niya matulad sa kanila—ang makasama ng habang buhay ang taong mahal niya at mahal din siya hindi lang dahil sa puri niya.
Sa mangyayari mamaya, matupad kaya iyon? Pwede naman. Mahal naman nila ng kasintahan ang isa’t-isa. Patunay nga daw ang pagsipot niya at pagsuko niya.
Malapit na siya sa crossing. Bumilis na naman ang tibok ng puso niya. Kinakabahan siya. Nandiyan na naman ‘yung dalawang boses sa isip niya, nagtatalo.
Huminto siya sa paglalakad, dalawang metro ang layo sa crossing. Pakiramdam niya, bigla siyang nanghina. Naupo siya sa tabi ng daan at nag-isip.
Oo o hindi?
“Wala namang masama sa pagbo-boyfriend basta ‘wag lang kayong magmadali,” naalala niyang madalas sabihin sa kanya ng nanay niya. At kung hindi siya nagkakamali, ganoon din ang pangaral ng guro niya sa kanilang klase.
Pero hindi naman masama ang pre-marital sex, ‘di ba? Uso na ‘yun. May mga kaibigan siyang nakasubok na. Bakit hindi niya rin subukan? Pero ilan ba sa kanila ang hindi na nakapagpatuloy ng pag-aaral? Ilan ang maagang nawalan ng kamusmusan dulot ng init ng katawan?
Naalala niya ang dalawang eksenang nakita kanina.
Ano nga ba ang masama at mabuti? Alin ang tama? Alin ang mali? Ano ang dapat? Ano ang hindi? May dapat na hindi tama, pero may tama na hindi dapat. Peroi may tama bang masama o maling mabuti kaya?
Pwede bang ang pagpili, idaan na lang sa ini-mini-mayni-mo? Sa tossed coin, tao o agila?
May kalayaang pumili ang tao sa kung anumang gugustuhin niya. Katulad na may kalayaan ang lahat na mag-isip. Subalit wala ‘yan sa pagpipilian. Nasa resulta ng desisyon ‘yan—kung magiging masaya ka ba o magdurusa sa bandang huli.
True or false?
Bumuntong-hininga siya. May dalawa siyang pagpipilian—kaliwa o kanan. Tumayo na siya at pinagpag ang dumi ng kanyang pantalon. May desisyon na siya.
Bahala na.