Patakaran at Respeto


“Are you really doing the right thing?”

‘Yan ang tanong sa amin ng aming guro sa Filipino sa ikalawang araw namin sa subject na iyon para sa ikalawang semestre. Mainit kasing napadako ang talakayan sa isyu ng ‘No Uniform, No Entry’ policy ng mga kolehiyo sa loob ng unibersidad na pinapasukan ko. Lumang tugtugin na ang makipagdiskusyon sa mga guwardiya ng ilang kolehiyo tungkol sa mga usaping tulad niyan. Paulit-ulit na lang, pero sa hindi malamang dahilan, gustung-gusto pa ring pakinggan ng ilan. Hindi ba nakaririndi?

Moralidad. Madalas kong marinig ang salitang ‘yan noong mga nakaraang araw. Ewan ko ba, sa tuwing naririnig ka ang salitang ‘yan, may ilang mga eksena ang pumapasok sa isip ko. At kapag naaalala ko ang mga iyon, naaalala ko rin ito: “Hindi ba malaking pagkakamali ng maraming eskuwelahan na gawing 0 to 10% lang ang 'Character' sa computation ng grades gayong Character ang humuhulma sa tao, pamilya, bansa, mundo, at kasaysayan?”

Respeto.

Marahil lahat naman tayo marunong ng salitang ‘yan…o alam lang ang ibig sabihin at hindi alam gawin?

“Kung ayaw nyo sa patakaran ng BU, bakit kayo nananatili pa rin dito?” Kaugnay na tanong ng guro namin.

Bakit nga ba may batas? May patakaran? Ano ang mundo kung walang mga batas na sinusunod ang mga tao? Bakit walang iniwang sampung kautusan ang Diyos sa mga hayop gayong mas matalino umano ang mga tao kumpara sa mga hayop?

Kaugnay daw ng mga batas ang kaayusan. Kaya nilikha ang konstitusyon, ang mga Republic Act, Presidential Decree, mga ordinansa, mga memorandum ay upang magkaroon ng peace and order sa lipunan. Sarkastiko akong ngingiti. Peace and order ba ang pakikipagtalo sa mga guwardyang ginagawa lamang ang tungkulin nila at sasabihan mo ng “Amalayer? You think amalayer?”

Hindi ko maiwasang mapangisi habang naiiling nang minsang mahuli ako sa pagpasok sa eskwela at madaanan sa entrance (oo, entrance at hindi exit. ENTRANCE.) ng kolehiyo namin ang isang estudyanteng nakikipagtalo sa guard. Taga-ibang kolehiyo ang estudyante. May dalawa pa siyang kasama at pare-pareho silang nakasuot ng PE uniform. Mariing nakikipagdiskusyon ang estudyante sa guwardiya. Hindi ko naintindihan ang katwiran niya para papasukin sila dahil bukod sa nagmamadali na ako, ay ang bilis pa niya magsalita at straight English pa. “Noy, dae mo ako pagpara-inglison,” ‘yun ang nahuli kong sagot ng guwardiya.

Bago nang araw na iyon, naranasan din naming magisa ng guwardiya dahil sa hindi pagsunod sa ‘No Uniform, No Entry’ policy ng university. Umaga, may PE subject kami. Dahil dalawang oras lang naman (lang naman?!) ang lunch break namin at next subject na kami, hindi na kami nagpalit pa ng prescribed college uniform. Pagdating namin sa kolehiyo kung nasaan ang sunod naming subject, ayun, hindi kami nakapasok. Ayos lang sana. Ang kaso hindi makatarungan ang patakaran. May mga nasa loob na naka-PE uniform! Ang masaklap pa, kitang-kita na mula sa kinatatayuan naming gate ‘yung mga kaklase naming nakapasok na hindi naka-suot ng prescribed college uniform!

Depensa ng guwardiya, hindi naman daw siya ang nagpapasok sa mga iyon kaya marahil ayaw niyang palabasin. Dahil sa mga desperada at desperado na kami (mga kaklase ko lang dahil hindi ko naman talaga type yung subject kaya okay lang kung umabsent ako), naghanap kami ng malulusutan. Pero wala, eh. May nakasita sa amin. First time ko na sana ‘yun mag-over-the-bakod! To think, president ako ng klase namin. Malaking kahihiyan siguro ‘yun sa sarili ko.

Pero kinalaunan, natanggap kong may mali din kami. Bilang mga iskolar ng bayan at mga edukadong tao, hindi namin dapat kaladkarin sa putikan ang aming mga sarili at ang institusyong kinabibilangan namin. At marapat na irespeto namin ang bawat batas at patakaran ng lipunan upang maging huwaran sa iba.

“Kung alam niyo palang bawal, bakit niyo pa gagayahin ‘yung mga sumuway na?” Napasang-ayon ako sa sinabing ito ng guro namin. Kung nakapasok nga kami sa maling paraan, anong katarungan kaya ang makukuha namin kung sakali? Dalawang patong ng paglabag?

Oo, minsan ang batas hindi patas, may pagkakataon na mahigpit na ipinapatupad (lalo na pag may mahahalagang okasyon tulad ng accreditations o may mga turista *ehem! ehem!*) at may mga pagkakataon din na parang wala lang. Subalit kahit ganoon, responsibilidad pa rin ng bawat isa sa atin na alamin kung ano ang tamang gagawin. Aasa na lang ba tayo sa batas na tao lang din naman ang gumawa?

Ang respeto sa batas ay respeto sa taong gumawa ng batas, respeto sa kapwa, respeto sa lipunan at higit sa lahat, respeto sa sarili. Simple lang naman kasi, kung ayaw mong sumunod, umalis ka. Kung ayaw mong umalis, sumunod ka. Simpleng bagay na iniiwasan ng tao.

Sa palagay mo, tama ba ang ginagawa mo?