Kailan Ka Malaya?


Malaya ka ba talaga?

Kung sagot mo ay oo, ibig sabihin, naniniwala kang ang kalayaan ay hindi ilusyon ng mapaghangad na tao.

Kung ang sagot mo nama’y hindi, maaaring naniniwala kang ang kalayaan ay kailan ma’y hindi makakamit matapos man ang libu-libong pakikidigma.

Noong nakaraang linggo, paksa ng pagtatalo sa aming klase sa Philosophy ang katotohanan ng kalayaan. Malaya nga ba talaga ang tao? May mga nagsasabing oo at may nagsasabing hindi—isa ako sa kanila.

Noon pa man, naniniwala na akong hindi malaya ang tao. Oo, maaari tayong pumili ng gusto natin, gawin ang nais natin subalit, aminin man natin sa hindi, may mga isinasaalang-alang tayo sa bawat desisyong ginagawa natin. May mga batas tayong sinusunod—batas ng kultura, batas ng relihiyon, batas ng kalikasan, batas ng tao, batas ng sarili nating pag-iisip. Nakatali tayo sa maraming prinsipyong pinaniniwalaan natin…at mahirap makawala.

'Yung katotohanang marami pa rin ang naghahangad ng kalayaan, patunay lamang na hindi pa rin ito nakakamit. Yung katotohanan na mayroong mga namumuno sa atin, patunay na kailangan nating sumunod. Yung katotohanan na may colonial mentality, patunay na hindi natin nakamit ang kasarinlan mula sa mga dayuhan. Yung katotohanang takot ang tao na mapunta sa kumukulong lawa ng apoy pagkatapos mamatay, patunay na nakagapos ang tao sa turo ng mga nagsasabing paniwalaan sila. Yung katotohanang may mga pinapatay na mga mamamahayag, mga aktibista at mga napagkakamalang aktibista, patunay na marupok ang freedom of the press, freedom of speech at freedom of assembly. Yung katotohanang bulag ka sa maraming bagay sa paligid mo at nananatili ka lamang nagtatago sa komportable mong pamumuhay, patunay na hindi ka malaya. Alipin tayo ng maraming pwersa, higit ang mga sarili natin.

Ngunit, hindi ba’t pinuno rin tayo ng ating mga sarili?

Noong nakaraang sabado lamang, Pebrero 23, hinikayat kaming sumama sa isang pagtitipon sa araw ng pagdiriwang ng EDSA People Power Revolution sa ika-25 ng Pebrero. Ilang grupo ng mga tao ang magtitipun-tipon upang ipetisyong paalisin ang mga militar na naglalagi sa ilang baranggay ng isang munisipyo sa Albay.

May ipinaglalaban sila. Nais nilang makawala sa ganoong uri ng pananakal ng may mga hawak na mahahabang baril. Matagal na panahong may takot ang mga mamamayan ng bayang iyon, bilang ang mga kilos at nag-aalalang baka isang araw madamay sila sa putukang maaaring maganap anumang oras.

Naisip ko, hinahangad nila ang kalayaan, bakit ko iyon ipagkakaila sa kanila?

Oo, marami ng digmaan at kilos-protesta ang nangyari sa buong kasaysayan ng daigdig. Nakamit man nila ang mga ipinaglalaban nila, pagkatapos ay makukulong pa rin sila sa panibagong sistema. Subalit, subukan ko mang sabihing, hindi totoo ang kalayaan at isa lamang itong ilusyon, para ko na ring ninakaw ang pag-asang tanging pinanghahawakan nila. May mga prinsipyo rin akong ipinaglalaban at alam ko ang mangyayari kapag sinabi mo sa aking wala akong pag-asang makakamit ko ang mga iyon.

Hindi ako naniniwala sa kalayaan ngunit, naniniwala akong kapag naramdaman kong masaya at kuntento na akong nakamit ko ang bagay na ipinaglalaban ko, masasabi kong malaya ako.
  
Malaya ka ba talaga?

Kung ang sagot mo ay hindi, hindi mo pa nakakamit ang nais mong kasagutan sa ipinaglalaban mo.

Kung ang sagot mo nama’y oo, naniniwala kang may pag-asa kang mapagtagumpayan mo ang iyong ipinaglalaban.