Saranggola


Mataas ang lipad ng saranggola ni Dodong, kasing taas ng sikat ng araw sa tanghaling iyon.

Mayo, walang pasok sa eskwela kaya’t nasa bukid ang mga bata at abalang nag-papalipad ng kani-kanilang saranggola. Iba-iba ang kulay, iba-iba ang laki, iba-iba ang hugis at istilo—‘yan ang mga saranggolang naghahari sa himpapawid habang kataasan ng sikat ng araw. Sari-sari man, pawang mga musmos naman ang lumikha at nagpapalipad. Gamit ang mumunti nilang mga kamay, matayog na lumilipad ang mga saranggolang iyon.

Para kay Dodong, bukod-tangi ang saranggola niya. Katulong niya sa paggawa niyon ang kanyang Kuya Efren. Gawa lamang iyon sa plastic ng pasalubong nitong tinapay sa kanya noong isang araw. Bagama’t napaka-ordinaryo, ito naman ang pinakamataas ang lipad. Magaling kasi ang batang si Dodong na magmando ng pisi. Diskarte lang.

“Dodong! Hinahanap ka ng Kuya Efren mo!” Narinig nyang sigaw ni Isko.

Anak ito ng may-ari ng inuupahan nilang barung-barong. Tulad niya, siyam na taon na rin ito, pero hindi ito nagpapalipad ng saranggola tulad ng ibang mga bata. Mas gusto pa nito ang nagbabasa na lamang ng aklat sa bahay.

“Sandali!” Ibinababa na nya ang saranggola. Mamaya na lang ulit sya magpapalipad, isip-isip nya. Sabik sya sa pagdating ng nakatatandang kapatid.

Patakbo niyang nilapitan ang bumagsak na saranggola at pinulot iyon. Pinagpag nya ang mga dumikit na tuyong damo roon.

“Hindi ka ba napapagod magpalipad ng saranggola?” Tanong sa kanya ni Isko paglapit nya rito.

Inayos nya ng pisi ng kanyang saranggola habang naglalakad sila. Hindi sya mapapagod magpalipad ng kanyang saranggola tulad nang hindi sya mapapagod mangarap ng mataas.

“Hindi. Masaya nga, eh. Ikaw ba? Bakit hindi ka nagpapalipad ng saranggola?”

Napatungo ito. “Ayaw ni Mommy, eh. Mapapagod daw ako. Pero masaya ba talaga?”

“Oo. Ang daming nagpapalipad ng mga saranggola, kahit nga ‘yung mga taga-roon sa kabilang barangay.  Gusto mo sumama sa akin isang beses? Tuturuan kita.”

Napaangat ng ulo si Isko sa sinabi ni Dodong, subalit may pag-aalangan sa mga mata nito. “Baka pagalitan lang ako ni mommy.”

“Hindi ‘yan. Akong bahala sa ‘yo.”

Medyo malayo pa ay natanaw na ni Dodong ang barung-barong nila. Maraming tao sa labas na sisilip-silip sa kung anumang nangyayari sa loob. Nabahala sya.

Tinakbo na nya ang nalalabing distansya papunta sa bahay nila. Kasunod niya si Isko. Alam na nila pareho kung ano ang kaguluhan. Hindi na bago iyon sa kanila.

Napatigil si Dodong nang lumabas sa pinto ang tatay nya, lasing at pigil-pigil ng dalawang kumpare nito. Natakot sya. Baka kung ano na naman ang ginawa nito sa mga kapatid nya.
Papasok na sana sya nang pigilan sya nito. Mahigpit sya nitong hinawakan sa braso. Nasasaktan siya, pero hindi niya ipinakita. Nakipagtagisan siya ng tingin sa kanyang ama.

“Andres, nasasaktan ang anak mo,” wika ng kung sino.

Pero hindi nito iyon inintindi at sa halip, lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa anak.

“Pa…”

Narinig ni Dodong ang nanghihinang boses ng Kuya Efren niya. Nilingon niya iyon at nakitang puro pasa ang mukha nito. Ibinalik nya ang tingin sa ama. Nakaramdam siya ng pagkamuhi rito.

Lumipat ang tingin ng kanyang ama sa saranggolang hawak niya. Bigla nitong hinablot iyon mula sa kanya at pinagsisira. Hindi nya inalis ang tingin sa mukha ng ama habang sinisira nito ang saranggola niya.

Ibinato nito sa harap niya ang sira nang saranggola. Muli siya nitong tinapunan ng matalim na tingin bago umalis. Walang sumunod dito. Walang nangahas magsalita.

May awa silang naramdaman para sa magkapatid, pero walang nais masabit sa gulo ng pamilya ng mga ito. Unti-unti silang tumalikod, umalis.

Yumuko si Dodong para tignan ang sirang saranggola. May luhang naglandas sa kanyang magkabilang pisngi.

“Dodong, halika rito sa loob,” aya ng kanyang kuya.

Pinahid nya ang mga butil ng luha sa kanyang dalawang pisngi. Pinulot niya ang nasirang saranggola at sumunod sa kapatid.



Tanghaling tapat, aayain sana ni Dodong si Isko na magpalipad ng saranggola kaya lang, nakabantay sa may pintuan si Aling Petra, ang Mommy ni Isko.

Pinalitan ng kuya nya ang saranggola niyang sinira ng kanyang ama. Katulad din iyon ng una niyang saranggola, gawa sa plastik. Ordinaryo, pero espesyal.

Mag-isa na lamang siyang nagtungo sa bukid. Wala pang masyadong mga bata roon pagdating niya kaya’t saglit syang tumambay sa harap ng tindahan ni Mang Kanor na nasa dulo ng kalsadang patungo sa kabukiran.

Natuon ang pansin niya sa patalastas sa telebisyon. Malapit na nga pala ang eleksyon. Marami na namang naglipanang mukha ng mga kakandidato sa mga telebisyon, sa mga poste, sa mga dingding, sa mga sasakyan at sa kung saan-saan. Ano naman kaya ang mabuting maidudulot ng mababango nilang mga salita sa mga pangarap ng mga tao?

Magpapalipad na lamang si Dodong ng kanyang saranggola kesa makinig sa mga pangangampanya nila. Nagtungo na siya sa bukid.

Mataas na naman ang lipad ng saranggola ni Dodong, kasing taas ng sikat ng araw sa tanghaling iyon, subalit hindi niya inaasahan ang biglang pagbagsak niyon.



May trabaho na raw ang kanyang kuya Efren, body guard ng isang abogadong tatakbo bilang alkalde ng bayan sa darating na eleksyon. Unang araw nito sa trabaho.

May kampanya sa plaza. Paniguradong naroon ang kanyang kuya kaya pupunta siya. Inaya niya si Isko, pero hindi ito pinayagan ng ina kaya’t mag-isa na lamang syang nagtungo.

Marami nang tao pagdating niya. Nakapagsimula na rin ang palatuntunan. Hinanap ng kanyang mga mata ang nakatatandang kapatid. Ayun, naroon sa labas ng isang puting sasakyan at nakabantay. Hindi sya nito nakita dahil natatakpan sya ng mga nagsisiksikang mga tao.

Ganoon karaming tao kapag kampanya. Pareho-parehong umaasa sa magagandang ipapangako ng mga pulitiko.

Natapos ang palutuntunan, may sigurado nang iboboto ang ilan. Bumaba na ng entablado ang mga kandidato. Lalapit sana sya sa kanyang kuya ng may umalingawngaw na magkakasunod na mga putok. Nagkagulo ang mga tao.

Nagpilit syang makadaan sa mga nagsisitakbuhan. Hinanap ng kanyang mga mata ang nakatatandang kapatid, at tila tumigil ang kanyang mundo nang makita iyon. Nakabulagta ang katawan ng kanyang kuya Efren, katabi ng katawan ng pinoproteksyunan nito, parehong duguan…wala nang mga buhay.

Tuluyan nang bumagsak ang saranggola ni Dodong.



Matataas ang lipad ng mga saranggola ng mga bata sa tanghaling iyon, pero may kulang. Wala ang saranggolang gawa sa plastik, ang pinakamataas ang lipad.

Tiningala ni Dodong ang mga nagpapaligsahang saranggola sa himpapawid—iba-iba ang kulay, iba-iba ang laki, iba-iba ang hugis at istilo, tulad din ng mga pangarap ng mga paslit na naroroon.

Marami ang tulad niya, iniwan ng ina, sinasaktan ng ama at biktima ng bulok na sistema ng lipunan. Namatay ang kapatid nyang pinoprotektahan hanggang sa huling sandali ng buhay nito ang taong hindi nila kilala, ang taong hindi nila alam kung may magagawa nga ba para sa ikabubuti nila.

Mababangong mga salita, napakagagandang pangako…mapapabuti ba ng mga ito ang lipad ng mga saranggola ng mga batang tulad ni Dodong?

Tinignan nya ang hawak na saranggola, tinignan nya ang pangarap niya. Ilang beses na iyong bumagsak, pero hindi sya napagod paliparing muli. Ngayon, nag-aalangan syang paliparin pa muli iyon. Sino pang pag-aalayan niya ng mga pangarap niya kung nawala na ang lahat sa kanya? Ang saranggola na lamang na iyon ang natira sa kanya.

Itinaas nya ang hawak na saranggola at tinignan iyon. Tama, nababagay ang saranggola niya sa malawak na himpapawid. Hindi niya dapat bitiwan ang pangarap niya. Kailangan nyang paliparin muli iyon.

Mataas ang lipad ng saranggola ni Dodong, kasing taas ng sikat ng araw sa tanghaling iyon.