ANG PAGLALANG (Orihinal na Akda)
Noong wala pa ang daigdig, mayroon lamang tatlong lugar sa kalawakan—ang Liwanag, ang Dilim at ang Kawalan. Sa lugar ng Liwanag, nananahan ang magkapatid na diyosa, sina Mabuti at Kalikasan. Sa Dilim naman ay nakatira ang dalawang diyos na sina Dunong at Tukso. Samantala, ang lugar ng Kawalan ay nananatili pa ring hindi nagagalugad ng mga diyos at diyosa bagama’t ito’y matatagpuan lamang sa pagitan ng Liwanag at Dilim.
Dahil sa taglay na ganda at sa malamyos na tinig ni Kalikasan, umibig sa kanya ang dalawang diyos. Si Dunong ay nag-alay ng talino samantalang si Tukso ay nag-alay ng karangyaan.
Sa pagitan ng dalawa, si Dunong ang pinili ng diyosa. Agad isinagawa ang pag-iisang dibdib ng dalawa sa tulong ni Mabuti. Sa Liwanag sila namalagi at doon masayang bumuo ng pamilya.
Nagkaroon sila ng anim na supling—si Lupa ang panganay: matipuno, malakas, mapagkumbaba at syang sandigan ng kanyang mga kapatid; kasunod niya ay ang kambal na sina Dagat at Langit: kapwa maganda, mahinhin at tahimik; sumunod ay si Hangin: malakas at masayahin. Hilig niya ang pasayahin ang buong pamilya sa pamamagitan ng kanyang pagsayaw; si Apoy naman, bagama’t malakas at matipuno ay likas na tahimik at tulad ng kanyang ama’y matalino; at ang bunsong si Ulap na tulad ng dalawang nakatatandang kapatid na babae ay maganda, mahinhin at palangiti.
Hilig nila ang pamamasyal sa dulo ng Liwanag at doon ay nagpapalitan sila ng kanilang mga kuro-kuro sa kung anong meron sa malawak na lugar ng Kawalan.
“May buhay sa Kawalan,” iyon ang batid ni Lupa. “Mga binhing syang magtataglay ng buhay.”
“Maganda ang naisip mo, aking kapatid na Lupa,” papuri ni Dagat. “At higit na maganda kung ang buhay na iyon ay ibinabahagi at hindi ipinagdaramot.”
“Kay buti,” sang-ayon naman ni Hangin. “Ang kaligayahan ay mapasa-buhay na iyon.”
Imahinasyon ang nakapaghuhusga sa mga ninanais ng kanilang mga puso.
Samantala, dala ng kabiguan sa pag-ibig, si Tukso ay nanatili sa Dilim ng matagal na panahon. Sa mga pagkakataong iyon, nag-iisip sya ng plano upang bigyang katarungan ang kanyang pagkabigo.
Lingid sa kaalaman nina Dunong, Kalikasan at Mabuti, nagtungo si Tukso sa Liwanag dala ang isang bagay na gagamitin nya sa kanyang paghihiganti—isang salaming nagtataglay ng itim na mahika. Inilagay nya iyon sa dulo ng Liwanag kung saan nya napag-alamang madalas puntahan ng magkakapatid.
Unang nakita iyon ni Dagat. Dala ng paghanga kaya’t kinuha nya iyon. Sa salamin, nakita nyang binigyan ni Mabuti ang bunsong si Ulap ng isang perlas. Sa unang pagkakataon, nakaramdam sya ng inggit. Tsaka nya nakita ang sariling repleksyon sa salamin.
“Hindi maaaring may lalamang sa akin. Higit akong maganda kanino pa man,” aniya.
Hinanap nya ang bunsong kapatid. Ngunit, sa daan ay nakasalubong nya si Hangin. Kinuha nito ang salamin mula sa kanya. Iniwan na lamang nya ito roon.
Sa salamin nakita ni Hangin kung papano purihin ng kanyang amang si Dunong si Lupa. At sa unang pagkakataon, hindi nya natanggap na higit na pinapaboran ng kanilang ama si Lupa.
“Ako ang nagpapasaya sa Liwanag! Sa akin dapat ang papuri!” ‘yun lang at hinanap nya si Lupa upang hamunin ng palakasan.
Habang nahihimbing si Ulap, kinuha ni Dagat ang perlas at dali-daling umalis. Lingid sa kanyang kaalaman, nakita sya ni Apoy.
Dahil sa nasaksihan, sinundan ni Apoy si Dagat subalit, naharang sya ng nagtatalong sina Lupa at Hangin. Aawatin nya sana ang dalawa ngunit nabighani sya sa salaming nasa sahig. Kinuha nya iyon at nakita mula roon si Dagat sa dulo ng Liwanag na suot ang perlas na ninakaw nito. Matapos noon, nakita nya ang sariling repleksyon. Galit ang rumehistro sa kanyang mukha.
Dali-dali syang nagtungo sa dulo ng Liwanag kung saan nya nakita ang isa sa kambal. Hiningi nya mula rito ang perlas subalit, wala umano iyon sa kanya. Anumang gawing pagpapaamin ni Apoy, iyon ding paggiit nitong wala ang perlas dito. Hindi na nakapagtimpi ng galit si Apoy. Sa hindi malamang paraan, nakalikha sya ng maliliwanag na bagay na kanyang ibinato sa kapatid. Ang pinakamalaki sa mga ito ang tumama sa katawan ng diyosa at kasabay ng maliliwanag na mga bagay na iyon, nahulog ito sa Kawalan. Nagkaroon ng pagsabog mula sa Kawalan.
Sya namang pagdating nina Lupa, Hangin at ng hindi nya inaasahan—si Dagat. Huli na para malaman nyang si Langit ang kanyang napagbintangan.
Sa nangyaring iyon, nahintakutan si Dagat. Ayaw nyang masisi ng kanilang mga magulang. Kaya’t habang nagkakagulo sina Lupa, Hangin at Apoy, pinasya nya na lamang na tumalon sa Kawalan.
“Dagat!”
Napalingon ang tatlo nang marinig ang pagtawag na iyon ni Ulap. Ngunit, huli na. Wala na rin si Dagat.
Labis ang panlulumo ni Apoy. Subalit, bago pa man sila maabutan ng tatlong makapangyarihan, tumakas na sya. Nakita sya ng nagtatagong si Tukso sa di kalayuan. Isinama sya nito patungo sa Dilim.
Galit na galit si Dunong nang matuklasan ang nangyari. Dumagundong sa buong kalawakan ang nangangalit niyang boses kasabay ng matatalim na guhit ng ilaw na tumama sa mga katawan nina Lupa at Hangin. Nahulog ang kanilang mga katawan sa Kawalan. Isa na namang malakas na pagsabog ang narinig mula roon.
Labis ang paghikbi ni Ulap sa nasaksihan. Maging sina Kalikasan at Mabuti ay labis na nalungkot sa pangyayari.
Wala na ang minsang masayang pamilya nila Dunong at Kalikasan.
Lumipas ang mga panahon matapos ang pangyayaring iyon, naging malungkutin si Ulap. Madalas syang magtungo sa dulo ng Liwanag upang ngumiti sa masasayang ala-ala nilang magkakapatid at lumuha sa isang masaklap na trahedyang umagaw sa mga ala-alang iyon.
Hindi nagtagal, maging si Ulap ay hindi na natagpuan pa nina Dunong, Kalikasan at Mabuti sa kahit saang bahagi ng Liwanag. Paniniwala ni Mabuti, sumunod siya sa kanyang mga kapatid.
Naisip ni Kalikasan na lumikha ng bahaghari patungo sa Kawalan. Bumaba sya sa Liwanag at kanyang nasaksihan ang isang bagong paraiso. Ito na ang Kawalan matapos ang trahedya sa kanilang pamilya.
Nangyari ang mga ninanais ng kanyang mga anak, isang napakagandang lugar.
Si Lupa, ang sahig na niyayapakan nya ngayon. Si Langit ang asul na bumabalot sa buong paligid mula sa itaas. Sa di kalayuan, natanaw nya ang malawak na kulay na asul sa dulo ng lupa. Kahawig ng langit, iyo’y si Dagat. Maya-maya, may naramdaman syang pagdampi sa kanyang balat kasabay ng bahagyang paglipad ng kanyang buhok. Lumingon sya sa paligid ngunit, walang nakita. Ahh, si Hangin.
Sa kanyang pagtingala, nasilaw sya ng maliwanag na bagay sa himpapawid. Naalala nya si Apoy. Hindi nila alam kung nasaan ito.
Bumalik sya sa Liwanag at inalahad ang nasaksihan sa asawa nyang si Dunong. Napagpasyahan nilang lumikha ng mga bagay na maninirahan sa bagong paraisong iyon. Lumikha si Kalikasan ng mga halaman at mga hayop. Si Dunong nama’y lumikha ng mangangalaga sa mga nilikha ni Kalikasan at sa lugar na iyon.
Mula sa alikabok, nilikha ni Dunong ang nilalang na kawangis niya. Iyon ay binigyang buhay ni Kalikasan. Si Mabuti naman ay nagkaloob ng busilak na kalooban. Ang nilikha ay tinawag nilang si Lalaki.
Nang mapansin nilang tila kulang ang sigla ni Lalaki dahil sa pag-iisa lumikha si Dunong ng magiging kapareha nito. Siya’y kawangis ni Kalikasan at siya’y si Dalaga. Pinagkalooban sya ni Dunong ng talino.
Kapalit ng kanilang paninirahan sa bagong lugar, kailangan nilang mag-alay ng karneng baboy sa tatlong makapangyarihan. Ang pag-aalay na iyon ang paraan ng kanilang pasasalamat sa mga biyayang handog nina Dunong, Kalikasan at Mabuti.
Ang kasamaan ni Tukso ay hindi pa rin natapos. Sa pangalawang pagkakataon, siya’y sumira ng isang magandang bagay. Nagpakita sya kay Dalaga at nagwika, “Kawangis kayo ng kinikilala n’yong diyos at diyosa. Subalit, bakit hindi kayo tinatrato na tulad nila? Bakit wala kayong kapangyarihang lumalang?” iniabot niya rito ang isang putol ng sanga ng kahoy na nag-aalab sa dulo.