Paano Mo Nasabing Estudyante Ka Part 2

Muntik na… Muntik na…

Kung nabasa mo ang part one ng blog na ‘to, siguro masasabi mong ako ‘yung klase ng estudyanteng hindi nagsasawang pumasok sa paaralan. Kung gayon, sumasang-ayon ako sa ‘yo nung mga panahong hindi pa ako nagsasawang pumasok sa paaralan. (May mapapakunot ng noo diyan.) Ngunit bago ko i-explain ang punto ko, gusto kong ibahagi ang maikling parte ng librong “ABNKKBSNPLAko” na isinulat ng isa sa mga paborito kong manunulat, si Bob Ong.

"Habang nagsasalo sa hapunan ang pamilya at ilang bisita, nagkaroon ng gulo sa bahay. Gawa ko. Hindi ko sinasadya, pero nagawa ko siguro dahil gusto ko na rin malaman nila na meron pa 'kong mas malalang kapalpakan na kailangang ikumpisal.

‘Di na 'ko nakatagal. Noong gabi ding 'yon, isinulat ko ang lahat ng gusto kong sabihin. Letter of apology.

May kahabaan 'yung sulat. Sinabi ko ang problema ko sa eskuwelahan. Sinabi ko ang mga simpleng pangarap, takot, tuwa, galit, lungkot, at panghihinayang. Nag-crack na pala ako sa pressure, hindi ko pa alam. Medyo nagkasabay-sabay kasi ang problema ng pamilya noon. Hindi ko na binigyan ng karapatan ang sarili ko na humingi ng tulong para sa sarili kong problema. Sinabi ko na wala akong naging masamang bisyo. Nawalan lang talaga ako ng interes sa pag-aaral. Nalito, Napagod. Hindi ko nakasundo ang buhay-kolehiyo. Nawalan ako ng tiyaga, ng pag-asa, ng pangarap at ng minamahal.

Sinabi ko, inamin ko, na minsan sumagi sa isip ko ang isa sa mga gamit ng baril. Masyado na kasing maraming bura ang papel, hindi na pwedeng gamitin, dapat nang itapon sa basurahan. Hindi naman iiyak ang mundo para lang sa isang tao.

Naisulat ko ang lahat ng hindi ko kayang sabihin.

Nagkausap rin kami ng mga kapatid ko, tubigan ang mga mata, basag ang boses, at nanginginig ang bawat salitang binibigkas. Minsan pala kailangan rin ang lakas para sabihing mahina ka. 
Noong gabing 'yon ko lang naramdaman na huminto ang pamilya para lumingon sa pinakabatang miyembro. Isa lang ang hiniling ko sa kanila, ang karapatan kong madapa at bumangon sa buhay nang walang tatawa, magagalit, magtatanong o magbibilang kung ilang beses na 'kong nagkamali at ilang ulit ako dapat bumawi. 

Wala ang mga magulang ko noong panahon na 'yon. Nasa probinsya ang nanay ko, nasa barko ang tatay ko. Matagal bago ko sila nakausap. Alam ko ang dismayang pasan ng balita, pero alam ko rin na alam ng tatay ko na kung may higit na madidismaya, ako 'yon. Nagtanong s'ya kung ano ang nangyari at kung ano ang binabalak ko, pero hindi na s'ya naghanap ng paliwanag. Sa maikling pag-uusap, hinayaan n'yang naisip ko na may sarili din akong barko. Obligasyon kong maglayag, karapatan kong pumunta sa kung saan ko gusto, responsibilidad ko ang buhay ko."

Bagaman makailang ulit ko na nabasa ang librong ito, hindi pa rin nawawala ang epekto nito sa akin kapag binabasa ko muli lalo na ang bahaging ‘yan sa itaas. Sa nakaraang mga buwan ng pagiging estudyante ko, nakita ko ang sarili ko sa librong iyon. At ang maikling bahagi ng libro na nasa itaas ay ang mga bagay na ninais kong gawin noong mga panahong hindi ko na alam ang gagawin ko. Pero, dahil higit na mahina ang loob ko kesa sa author ng librong iyon, hindi ko pa rin maalis ang bigat na dinarama ko.

Muntik na…Muntik na akong hindi mag-enrol nitong enrolment para sa unang semester ng pagiging third year college ko. Dahil sa pera? Medyo, oo. Nangapos kami ng mga panahong iyon sa pampaenrol ko. Kapapasok lang kasi ng aking ama sa bagong trabaho ng huling linggo ng Mayo. Nangutang pa nga ang aking ina sa aking pinsan na nasa ibang probinsya, ngunit dalawang libo lamang ang naipahiram. At dahil may mga pangangailangan din kami sa bahay, hindi rin ako nakapagpaenrol gamit ang pera.

Nagpabalik-balik ako noon sa unibersidad para alamin kung maaari ba akong makapag-enrol kahit magbayad muna ng halagang limang daan. Pero higit isang libo ang dapat bayaran kung magpa-partial payment. Inasikaso ko rin ang scholarship ko sa pag-asang matutugunan nito ang kalahati ng matrikula ko sa paaralan, pero isang pirma na lang ang kulang, eh wala pa ‘yung magpipirma.

Maliit na bagay lang ang mga rason na iyon, pero ramdam kong unti-unti ng namamatay ang kompyansa ko nang mga panahong iyon.

Magpapasukan na noon, kinausap ako ng aking ina kung ayos lang sa aking huminto muna sa pag-aaral. Sabi niya, kung gusto ko, maghanap muna ako ng trabaho para makapag-ipon at bumalik na lamang sa pag-aaral pagkatapos. Naging hati ang isip ko ng panahong iyon. Ayaw kong huminto sa pag-aaral dahil alam ko na kung hihinto ako para magtrabaho, baka hindi ko na gustuhing bumalik pa sa pag-aaral. Ayoko ring mapag-iiwanan ako ng aking mga kaklase at kaibigan. Sa kabilang banda, nasabik ako sa ideya ng pagtatrabaho. Tila ba bigla na lang akong nagsawang pumasok sa eskwela. At sa maniwala ka o sa hindi, mas naging matimbang ang pangalawang option. Sumang-ayon ako sa aking ina.

Buo na ang desisyon ko ng panahong iyon. Naisip ko na ang mga gagawin ko kung sakaling hihinto nga ako. Kung iniisip mong mag-aaply ako bilang sales lady sa mall, eh mababatukan kita. Hindi ko naman sasayangin ang talent ko habang nasa labas ako ng eskwelahan. Dahil risk-taker (ambisyosa) ako, plinano kong magtungo ng Maynila para doon maghanap ng trabaho bilang manunulat. Kung hindi naman, gugugulin ko ang mga panahong pansamantalang out-of-school youth ako para tapusin ang ilang isinusulat ko at makapaghanap ng publishers (ambisyosa talaga).

Ok na sana, pero wala eh. Napagalitan lang ako ng tatay ko noong sinabi kong hihinto muna ako. Hindi na ako nag-explain at nanatiling sikreto na lamang ‘yung mga plano ko hanggang mai-type ko ‘to. Hayun, isinanla ng nanay ko ‘yung hikaw niya at voila! Nag-enrol ako noong pangalawang lingo na ng pasukan.

Ayos, estudyante pa rin ako.

Noong unang buwan ng klase, bumabyahe pa ako ng higit isang oras mula sa amin patungong eskwelahan at vice versa dahil wala pa akong pambayad noon sa boarding house. Para ngang tinamad na rin ako noon mag-board kasi ang daming vacant periods namin. Pero dahil masunurin akong bata, nag-board na rin ulit ako pagkaraan ng isang buwan.

Sa ilang biyahe ko papuntang eskwelahan, may mga nakakasakay akong engineering students ng unibersidad na pinapasukan ko. At sa tuwina, hindi ko maiwasang mapaisip ng mailang ulit kung ano ang buhay ko sakaling ginamit ko ang CHED scholarship ko at nag-enrol sa chemical engineering department. Malayo siguro sa kasalukuyang sitwasyon ko. Pero kapag ganoon, binibiro ko na lang ang sarili ko na kung nag-engineering ako, patay na siguro ako dahil sa hirap ng mga subjects. Ngunit aaminin ko, na-mimiss ko rin ang math at ang mga problema nito.

Maayos naman ang naging takbo ng unang buwan ko (sa kabila ng medyo pagbaba ng interes ko sa pag-aaral) hanggang matapos ang midterm exams. Naging sunud-sunod ang mga students’ activities pagkatapos. Intrams, College Day at University Foundation week. Sa buong semester nga siguro, ang limang araw na foundation week ang pinakamasaya dahil bukod sa ang daming bagong activities na na-enjoy ko talaga, eh naroon din at nakasama ko ang ilang mga kaibigan ko noong high school. Sa maiksing panahong iyon, nahanap ko muli ang sarili ko.

Lumipas ang masasayang araw, bumalik na naman ang lahat sa normal lalo na ang sarili ko. Pakiramdam ko, kahit papalapit na ang sembreak ay lalong tumatagal ang bawat paglipas ng araw. Dumami ang mga kailangang tapusing requirements. Pero sa halip na umpisahan ang mga iyon, tumanggap ako ng mga pabor na hiningi ng ilang kaibigan. Sa ginawa kong iyon, saglit ko na namang naibalik ‘yung sarili ko, ‘yung buo ang puso sa ginagawa. Isa nga sa pabor na pinagbigyan ko, eh ang itama ang sanaysay na ginawa ng kaibigan ko. ‘Yun, na-miss ko lang naman ang magsulat sa wikang Filipino tulad ng ginagawa ko noong high school.

Akala ko maibabalik ng simpleng pabor na ‘yun ang interes ko sa klase, pero tulad ng maiksing kasiyahang nadama ko noong foundation week, nabura lang iyon ng ilang nakakaumay na eksena sa loob ng paaralan.

...

August, 2020. Limang taon na akong graduate sa kolehiyo. Ilang taon na ring naka-tengga ang kwentong 'to. Hindi ko na alam ang isusunod. Hindi ko rin alam ba't hindi ko natapos. Marahil dahil sa mailap na mga salita o sadyang tamad lang ako.

Nagtapos akong cum laude. Yey.

Yuck, dry.

Maaaring mapapaisip kayo, hindi ka ba naging masaya sa karangalangan iyon?

Hindi.

Kasi alam ko sa sarili kong kaya ko pang mahigitan iyon. Limang taon na akong graduate sa kolehiyo, pero nanghihinayang pa rin ako. Sana mas ginalingan ko pa. Sana hindi ko hinayaang masadlak ako sa depresyon.

'Yung naunsyaming kwento ko sa itaas ay dala ng depresyon. Buong third year, gusto ko na lang mamatay. Gusto ko na lang maglaho ng parang bula. Ang kaso, duwag ako. Hindi ko kayang gawin iyon sa sarili ko, bagaman malinaw sa akin 'yung araw na pauwi ako sa amin, nakatulala sa bintana ng bus at humihiling na sana maaksidente kami at ako'y mawala.

Pero ayaw ni Lord, eh. Hindi niya binigay. Heto nga't buhay pa rin ako at patuloy na nagtatanong ano nga bang silbi ko.

Noong 2017, nag-take ako ng Law Aptitude Exam sa UP, dream university ko. Nasa bucket list ko kasi ang makapag-enrol kahit man lang isang sem sa UP Law School. Kaso nagsayang lang ako ng pinambayad sa exam. Hindi ko naman naipasa. Kanda malas pa ako ng mga panahong 'yon. Kaakibat ko na talaga yata ang malas, eh.

Nang nakaraang taon, sinubukan kong ma-cross out 'yung mag-enrol-sa-law-school-kahit-isang-sem-lang item sa bucket list ko. Nag-apply ako bilang scholar sa Jose Rizal University. Natanggap ako. Free tuition, may monthly allowance at may book allowance. Wow. Hindi man sa UP, pero masaya na ako. Gusto kong bumalik sa pag-aaral, eh.

Pero 'yung mga karanasan ko mula kinder hanggang college, hindi ako naihanda sa kung anong meron sa Law School. Totoo ang sabi nilang "law school is a league of its own". Walang kwenta kung consistent honor student ako noon dahil lahat kami sa silid ay pantay-pantay, pare-parehong makikipagbuno sa araw-araw na recitation, santambak na cases at nagkakapalang mga libro. Nanliit ako sa sarili ko.

Matalino lang pala talaga ako, pero hindi ako masipag. Kung noong high school at college nakakatapos akong may medalya bawat taon kahit pa nga petiks lang ako sa pag-aaral, sa law school hindi. Kailangan mong mag-alay ng buong buhay mo. Kulang ang apat na oras na pagitan ng trabaho't klase para maaral, maintindihan at masaulo ang bawat aralin. Matindi ang hihingin nitong dedikasyon sa'yo. Na na-realize kong wala ako.

Sa buong buhay ko bilang estudyante, unang beses ko iyon magkaroon ng grades na 75, lalo na ang bumagsak. Tres at singko.

Natapos ko ang first year ng law school. May ilang subject akong naiwan sa 2nd sem dahil hindi ako nag-full load dahil sa mahal ng tuition. Oo, hindi ko na-retain 'yung scholarship ko, pero napilit pa rin ako ng tatay kong mag-enrol pa rin sa 2nd sem ng first year. Ang resulta, loan at bagsak na mga grado.

Subalit, maniwala kayo o sa hindi, mas natuwa ako sa grades ko sa law school kumpara noong nagtapos akong cum laude sa kolehiyo. Hindi ko rin maintindihan kung bakit, pero marahil kasi sadyang pinaghirapan ko talagang igapang ang law school. Wala akong maayos na tulog, hindi tama ang oras ng pagkain ko at alam ko sa sarili kong hindi pa magaling ang depresyon ko. Kailangan ko rin kasing magtrabaho habang nag-aaral na nagpa-realize sa aking hindi pala talaga ako magaling sa multitasking.

Hindi muna ako nag-enrol sa 2nd year. Wala na akong pera pang-enrol at dahil na rin sa COVID-19. Hindi ko naman gustong umattend ng klase online.

Hindi ko alam kung mag-eenrol pa ako ulit. Hindi rin naman kasi ako sigurado kung para sa akin ba talaga ang pag-aabugado. Ang gusto ko lang munang gawin pagkatapos ng pandemyang ito ay ang hanapin ang gamot sa sarili ko. Gusto ko nang makawala sa depresyon. Siguro kapag okay na ako, kakayanin ko nang harapin pa sa muli ang mas matitinding hamon ng pagiging estudyante ng batas.